Kailangang malampasan ng Elasto Painters ang hamon ng Hapee-PCU sa alas-2:00 ng hapong sagupaan sa San Andres Gym sa Malate upang makakalas sa pakikisosyo sa pamumuno sa walang larong Montaña Pawnshop.
Magkasalo sa liderato ang Rain or Shine at ang Jewels bunga ng kanilang magkatulad na 2-0 win-loss slate.
Sa ikalawang laro, maghaharap naman ang Harbour Centre at ang Toyota Otis sa alas-4:00 ng hapon.
Nagparamdam na ng lakas ang bagong discover na si Samigue Eman sa 73-67 pamamayani ng Rain or Shine laban sa Toyota-Otis kamakalawa.
Makaraang tumapos ng walong puntos, tigatlong assists at rebounds at isang steal sa kanyang debut game ay inaasahang may ilalabas pa si Eman.
Kabilang naman ang Toyota Sparks at Hapee PCU sa four-way-tie sa 1-1 record na kinabibilangan ng mga pahinga ngayong Magnolia Ice Cream at Granny Goose Tortillos.
Samantala, napili naman si Kenneth Bono ng Montaña Pawnshop bilang Player of the Week ng PBL Press Corps dahil sa mahalagang papel na ginampanan nito sa dalawang sunod na panalo ng Jewels. (CVOchoa)