Laban ni Pacman tiyak na eksplosibo

Siniguro ni Manny Pacquiao na magiging eksplosibo ang kanyang laban kontra kay Oscar Larios na itinakda na sa Hulyo 2 sa Araneta Coliseum.

Ayon kay Pacquiao na ginagamit ang laban upang maihanda ang sarili sa posibleng ikatlong paghaharap nila ni Erik Morales ng Mexico, mas matindi ang gagawin niyang pagsasanay dahil ayaw niyang mapahiya siya sa harap ng kanyang kababayan na laging sumusuporta sa kanya kapag sumasabak sa laban sa ibang bansa.

Alam din niya na hindi basta-basta kalaban si Larios na isa ring Mexicano dahil kilala na ang kanyang husay na napatunayan nang pagharian niya ang WBC super bantamweight division.

Gutom din sa panalo si Larios dahil sa huli niyang laban kay Israel Vazquez noong Disyembre 3, 2005 ay natalo siya sa pamamagitan ng third round technical knockout upang maagaw ang suot na titulo.

Gaya ni Pacquiao ay gagamitin ni Larios ang laban bilang tune-up sa pagsagupa uli niya kay Vazquez na ipo-promote ng Golden Boy Promotions.

"Dodoblehin ko ang pagsasanay ko kumpara sa ginawa ko nang naghanda ako kay Morales. Makakaasa ang mga kababayan natin na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang mapasaya ko sila," wika pa ni Pacman.

Magpapahinga pa ng ilang linggo si Pacquiao bago simulan ang pagsasanay na ang pangpinaleng yugto ay gagawin sa Teacher’s Camp sa Baguio City sa ilalim ng patnubay ni American trainer Freddie Roach.

Ang kanyang pinangungunahang Manny Pacquiao Promotions ang siyang mangangasiwa sa laban pero makakatuwang niya ang giant network na ABS-CBN.

Tumataginting na US$450,000 ang premyong mapapanalunan ni Larios na mayroong ring record na 56 wins, 4 losses 1 draw at 36 KO habang inaasahang doble naman ang mapapanalunan ni Pacquiao na ipaparada ang 41 panalo tatlong talo at dalawang draw kasama pa ang 33 KO.(LMC)

Show comments