Winning Tradition

Huling torneo na kaya ito ng Rain Or Shine ng Philippine Basketball League?

Ito ang katanungan ng mga masugid na sumusubaybay ng premiere na commercial league ng bansa sa pagbubukas ng PBL Unity Cup ngayong hapon.

Ang Rain Or Shine o Welcoat House Paints ay tinanggap na bilang ika-sampung miyembro ng Philippine Basketball Association matapos mabili nito ang prangkisa ng na-disband na Shell Turbo Chargers.

Marami na kasing mga PBL Teams na pumanhik sa PBA ang hindi na lumahok sa amateur games. Kabilang na dito ang Purefoods, Swift, Sta. Lucia, Red Bull, at Tanduay na pinagtuunan na lang ng pansin ang kampanya sa Pro-League at iniwan na nang tuluyan ang PBL.

Kaya nga sinasabing kahit paano ay may pressure sa Rain Or Shine na makapagpakitang gilas sa kanilang huling PBL tournament. Natural na nais nila na mag-iwan ng magandang alaala sa pamamagitan ng pagsubi ng isa pang kampeonato.

Sayang nga at hindi nagawa ng Rain Or Shine na magkampeon sa nakaraang PBL Hero’s Cup kung saan naungusan sila ng Magnolia Ice Cream. Nagwagi ang Rain Or Shine sa unang dalawang games ng best of five championship series subalit natalo ng tatlong dikit upang sumegunda lang sa Wizards.

Sa ilalim ng kasunduan ay pinayagan ng PBA ang Welcoat na magpanhik ng tatlong manlalaro direkta buhat sa PBL. Hiniling ng pamunuan ng Welcoat na payagan silang kunin ang Amerikanong gwardya na si Alex Compton. Hindi pa ito dinidesisyunan ng PBA Board of Governors subalit malamang na pumayag sila.

Kung magkaganito, bale dalawang manlalaro lang ng Rain Or Shine ang direktang iaakyat nila sa PBA dahil si Compton ay di naman nila player kundi manlalaro ng Montana Pawnshop.

Kaya naman ang PBL Unity Cup ay magsisilbing tryout para sa mga Rain Or Shine players. Pipilitin nila na ma-impress ang coaching staff at ang management upang makatiyak na makakaakyat sa PBA.

Sa ngayon, ayon sa mga insiders ang mga manlalarong kinukonsidera bilang direct hire ng Welcoat para sa PBA team nito ay sina JayR Reyes, Junjun Cabatu, Ronjay Enrile, Jay Sagad, at Paolo Ordeta. Tiyak na magpapakitang gilas ang mga ito upang matupad ang pangarap na makaakyat sa PBA.

Pwede namang ibalik din ng Welcoat ang mga PBA free-agents na sina Jercules Tangkay, Marvin Ortiguera, at Eugene Tan na hindi nakabilang sa direct hire.

Hindi na tayo magtataka kung muling aabot sa finals ang Rain Or Shine dahil may winning tradition ang koponang ito. At kung magkakampeon nga sila, maganda itong pabaon sa Welcoat pag-akyat sa PBA.

Sana nga lang kahit na nasa PBA sila ay ipagpatuloy nila ang pagkakaroon ng team sa PBL. Hindi pa ito nangyayari dahil magastos ito. Pero nakakalungkot kasi na ang isang haligi ng PBL na tulad ng Welcoat ay bigla nalang mawawala.
* * *
Binabati ko ang aking anak na si Maria Solita C. Zaldivar na magtatapos ng high school sa St. Theresa’s College, Quezon City ngayong hapon. Happy graduation sa ibang ga-graduate!

Show comments