Sa isang makulay at memorableng NCAA overall hosting ng Letran College, gumawa ng makasaysayang marka ang Blazers nang opisyal nitong makamit ang kauna-unahang overall title sa pinakamatandang college-based tournament sa bansa.
Nasa ikawalong taon pa lamang sa NCAA, dinomina ng CSB ang tatlo sa 10 sports disciplines--chess, table tennis at beach volleyball -- habang nagpamalas ito ng lakas sa iba pang events tulad ng taekwondo, football at swimming.
"We close the 81st NCAA season, thankful for a successful hosting and hopeful that the incoming season would be likewise successful," wika ni 2005 NCAA Policy Board president, Fr. Edwin Lao, O.P. ng Letran College.
Sa opisyal na listahan na ipinalabas ng NCAA secrtariat, humakot ang Taft-based school ng kabuuang 233 puntos upang patalsikin ang Philippine Christian University Dolphins na tumapos na second sa kanilang 207.5 points.
Pumangatlo naman ang San Sebastian (192.5), kasunod ang Letran (168), San Beda College (136), Mapua (78), University of Perpetual Help System DALTA (40) at Jose Rizal U (11).
Ang turnover ceremonies, ang traditional na pagtitipun-tipon ng mga school members ay nakatakda sa Marso 15, alas-10 ng umaga sa Student Center ng Colegio de San Juan de Letran sa pormal na pagpasa ng Knights ng 82nd NCAA hosting sa Blazers.