Best Player

Si Ren-ren Ritualo ba o si Kerby Raymundo?

Ito ang katanungan ng marami hinggil sa kung sino ang itatanghal na Best Player ng San Mig Coffee PBA Fiesta Conference.

Kasi nga, ang dalawang ito ang siyang mahigpit na magkalaban para sa award at ang kanilang koponan ang siyang magkatunggali sa best-of-seven semifinal round. Pero nakauna na ang Purefoods Chunkee Corned Beef  ni Raymundo na nagwagi sa Game One (94-89) at Game Two (88-87).

Kung tuluyang matitigbak ng Giants ang Air21 Express, makakalamang na si Raymundo kay Ritualo.

Sa pagtatapos ng quarterfinal round, si Ritualo ay sumegunda kay Paul Asi Taulava ng Talk N Text sa pagkalap ng statistical points. Si Ritualo ay mayroong 1,367 samantalang si Taulava ay mayroong 1,397. Pumang-apat naman si Raymundo na may 1,311 sa likod ni Jimmy Alapag ng Talk N Text na mayroong 1,332..

Pero hindi na nga madadagdagan ang mga numero nina Taulava at Alapag dahil hindi nakausad sa semis ang Phone Pals. So mauunahan na sila nina Ritualo at Raymundo.

Ang siste nga’y baka ngayon pa lang ay naungusan na ni Raymundo si Ritualo dahil sa bonus points na natamo niya bunga ng panalo ng Giants sa unang dalawang laro ng semis.

Sa tutoo lang, si Raymundo ang siyang nanguna sa statistical points sa pagtatapos ng classification round kung saan nagtala ng 10-6 record ang Purefoods. Pero dahil sa dumeretso nga sa semis ang Giants, tanging sa bonus playoff point lang umasa si Raymundo at  bale 312 statistical points lang ang nakamit niya. Ito’y sa kabila pa ng 300 points sa won game bonuses.

Si Ritualo ay may 270 points sa won games dahil 9-7 ang record ng Air21 sa classification round. pero nakapagdagdag siya ng 150 won game bonus points dahil dumaan sa wild card at quarterfinals ang Air21.

Kung titignan ang mga numerong naitala nila, medyo lamang si Raymundo na nag-average ng  14.8 puntos, 9.1 rebounds, 2.6 assists, 0.3 steal at 1.4 blocked shots sa 16 games. Si Ritualo ay may average na 1.4 puntos, 2.8 rebounds, 2.2 assists, 0.6 steal at 0.2 blocked shot sa 24 laro hanggang sa katapusan ng quarterfinals.

Dalawang  Air21 cagers ang nasa top ten  Ang point guard na si Wynne Arboleda ay ikalima na may 1,227 samantalang si  Ranidel de Ocampo ay ikasiyam na may 1,132.

Dalawang iba pang Purefoods Giants din ang nasa top ten. Si James Yap ay ikapito na may 1,197 samantalang si Jondan Salvador ay ikasampu na may 1,105.

Ang Barangay Ginebra superstar na si Mark Caguioa ay ikaanim (1,217) samantalang ang Red Bull Barako center na si  Enrico Villanueva ay ikawalo (1,194). Ang Red Bull at Ginebra ang siyang nagtutuos sa kabilang semis series at kung sino sa kanila ang makarating sa Finals, malamang na  sa koponang iyon manggaling ang isa pang contender para sa Best Player of the Conference award.

Sa tutoo lang, maganda ang labanan para sa Best Player of the Conference award dahil tiyak na uusbong ang isang superstar pagkatapos ng torneo!

Show comments