ABAP pinayagan ng PSC na kumuha ng foreign coach

Ligtas ang Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) sa ipapairal na patakaran ng Philippine Sports Commission (PSC) hinggil sa pagkuha ng mga foreign coaches.

Sa kanilang Board meeting kahapon, inaprubahan ng PSC ang pagkakaroon ng ABAP ng isang foreign coach bilang paghahanda sa darating na 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre.

Ibabalik ng ABAP si Cuban coach Raul Fernandez Liranza na gumiya kay light flyweight Mansueto "Onyok" Velasco, Jr. sa silver medal sa 1996 Atlanta Olympic Games.

"Actually, ‘yung approval na lang ng PSC Board ang kailangan namin para papuntahin si Raul dito eh," wika ni ABAP secretary-general Roger Fortaleza.

Sa desisyon ng PSC Board, lilimitahan na ang pagkuha ng mga National Sports Associations (NSA) ng kani-kanilang foreign coaches.

"Siyempre, malaking tulong din sa atin ‘yung mga foreign coach. Pero sana lang may mangyayaring technology transfer para ma-develop naman ‘yung mga local coaches natin," ani Fortaleza.

Inaasahang darating ang 58-anyos na si Liranza ngayong Enero, dagdag ng ABAP official.

Ang boxing ang isa sa mga sports associations na tiyak nang mapapasama sa priority sports na ihahanay ng PSC at ng Philippine Olympic Committee (POC) para sa 2006 Asian Games sa Doha, Qatar at sa 2008 Olympic Games sa Beijing, China. (RCadayona)

Show comments