"On a very clear day, nakikita mo kahit na ang Mount Arayat. Minsan naman, alam mo kung masyadong mausok sa ibaba. Talagang kita mo ang smog," ani Gregorio na very proud sa kanyang bahay.
Sinugalan lang daw niya ang pagpapatyo ng bahay na iyon kahit na shaky ang kanyang trabaho bilang coach ng Purefoods lalot sa mga nagdaang taon ay halos hindi makaahon buhat sa ibaba ng standings ang kanyang team.
"Sobrang laki ng pasasalamat ko sa kumpanya namin dahil sa pinagtiyagaan nila ako at sinuportahan kahit na struggling kami sa mga nagdaang conferences," ani Gregorio. "Build-up lang talaga ako ng build-up. Naghahanap ng tamang materyales."
Sa tutoo lang, wala namang kontrata si Gregorio sa Purefoods. At hindi siya humihingi nito. Kasi nga, sa Purefoods o sa San Miguel organization, hindi naman importante ang kontrata, e. Mentras wala kang kontrata, lalo ka nilang inaalagaan. Ang mahalaga sa kanila ay ang loyalty ng isang tao.
Gaya ng kinatitirikan ng bahay nila sa Antipolo, nasa itaas din ng standings ang Purefoods Giants sa pagtatapos ng classification round ng San Mig Coffee PBA Fiesta Conference.
Sino ba naman ang mag-aakalang magkakaganoon ang kapalaran ng Purefoods? Bago nag-umpisa ang torneo ay hindi naman mataas ang rating ng Purefoods.
Ang pinag-uusapan noon ay ang Talk N Text na may intact line-up at nakakuha pa ng dalawang first round picks sa pamamagitan ng trade. Pinag-uusapan ang Alaska Aces na bumulaga sa lahat nang masungkit sina Tony dela Cruz at Rich Alvarez buhat sa nag-disband na Shell Velocity. Pinag-uusapang ang nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer na naghahangad ng ikalawang sunod na titulo. Pinag-uusapan ang Barangay Ginebra na talagang powerhouse pa rin kahit na nabigong makapagsubi ng Grand Slam. Pinag-uusapan ang Sta. Lucia Realty matapos na makakuha ito ng lehitimong point guard buhat sa Draft.
Halos tahimik ang lahat hinggil sa kanilang pananaw sa Purefoods Giants. Siguro, ang tanging ingay na nilikha ng Purefoods ay ang pagpapalit ng produktong iniendorso buhat sa Hotdogs tungo sa Corned Beef.
"Okay lang naman sa amin yung hindi kami napag-usapan bago nagsimula ang tournament. At least, walang pressure sa amin. Were just there to play, win and have fun," ani Gregorio.
Pero sa kanyang puso, alam niyang tama na ang materyales niya at handa na silang mamayagpag. Matapos nga ang isa nilang panalo, sinabi ni Gregorio na ang misyon nila ay manatili sa top two hanggang sa dulo ng classification round. At nagawa naman nila iyon. Number one nga sila sa pagtatapos ng round sa kartang 10-6 at sila pa lang ang nakararating sa semifinal round samantalang paglalabanan ng Red Bull at Barangay Ginebra ang ikalawang automatic semis berth sa Enero 4.
Mula kaya sa kanyang kinatatayuan, ano ang tingin ni Gregorio sa ibaba?
Maaliwalas ba sa ibaba o mausok.
Malamang sa mausok dahil pipilitin ng mga koponang sumusunod sa Purefoods na humarurot tungo sa itaas at pabagsakin ang Higante.
Ang tanong ay: Matitinag ba ang Higante?