Una, sanay magpatuloy ang mga magagandang nasimulan ng Philippine Sports Commission at ni chairman Butch Ramirez at national training director Mike Keon, sa tulong ni First Gentle-man Mike Arroyo. Maipagpatuloy nawa nila na maipadala ang ating mga atleta sa ibang bansa at mabigyan ng sapat na kagamitan para makapagsanay sila para sa Asian Games sa Qatar. Sana wala nang makialam na mga torpeng pulitiko, para di na masira ang magandang programa.
Pangalawa, sana maintindihan ng ating mga kaibigan sa kamara ang halaga ng sports sa ating mga mamamayan. Paliit ng paliit ang badyet na binibigay nila sa pambansang programa sa sports. Pero, pagdating ng kampanya, gagamitin din nila ang ating mga atleta, at makikisakay sa kanilang tagumpay. Nakakahiya.
At wish ko lang na matigil na ang agawan ng kapangyarihan sa basketbol. Pareho namang napatunayan ng BAP at POC na hindi nila lubusang alam ang ginagawa nila, kaya umatras na silat ipaubaya sa nakakaintindi. At sa lahat ng sakay ng sakay sa isyu, pwede ba, pag-aralan nyo muna ang pinagsa-sasabi ninyo?
Sa mga nangangalaga sa mga boksingero natin, tulad ng nagbabalik na si dating world super flyweight champion Gerry Peñalosa, bigyan sila ng pagkakataong maging world champion. At pangalagaan sana ang kanilang interes, lalo na pagdating sa perang pinaghirapan nila ng husto. Lahat halos ng mga kampeon natin ay naloko ng mga promoter, manager o abogado nila. Maawa naman kayo. Nagpapakamatay yung tao.
Matuloy na sana ang pagbibigay ng tulong ng PSC sa sports na nagdala ng karangalan sa bansa noong SEA Games, at bawasan ang salapi ng mga sport na puro porma, pero walang binatbat. Resulta na ang kailangan natin, lalo na ngayong mahirap ang salapi.
Isa pa, buhayin sana muli ang Talent Identification Program, para dumami lalo ang mga mahuhusay na atleta natin. Kahit sino ang maupo sa puwesto, huwag sanang palitan ang magagandang nasimulan ng mga nauna.
Sana naman, magpasya na ang UAAP board kung ano ang gagawin nito sa De La Salle University. Palalaruin pa ba sila, o hindi? Habang nagtatagal, natatabangan ang mga tao, at inaanod na ang kredibilidad ng liga. Hirap din kumuha ng player ang mga mens at womens basketball team ng Green Archers, dahil di nila alam ang mangyayari sa kanila.
Ilan lamang iyan sa mga magandang pangarap para sa sports sa 2006. Mangyari lang ang kalahati, masaya na ako. Nakikinig ka ba, Santa?