Sinabi ni PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy na ginagawa na nila ang kanilang magagawa upang makahanap ng pondo para sa ipinangako nilang $300 allowance kada atleta ng Team Philippines.
"Pinaaayos ko na sa in-charge ng Para Games. Baka tonight (kagabi) or early tomorrow (Martes) may budget na sila," paliwanag ni Iroy.
Isa si Isidro Vildosola sa mga atletang umangal bunga ng allowance na hindi pa rin nila natatanggap mula sa sports commission.
"Actually, nahanapan na yan ng solusyon ni chairman Ramirez, kaya bago matapos ang Para Games makuha na nila," dagdag ni Iroy.
Ang naturang allowance ay bilang gastusin ng mga atleta sa kabuuan ng 3rd ASEAN Para Games na matatapos sa Disyembre 21 kumpara sa nakuha ng mga atletang luma-hok sa 23rd Southeast Asian Games.
Matatandaang kapos sa pondo ang Philippine ASEAN Para Games Organizing Committee (PAPGOC) para sa pagpapatakbo ng nasabing biennial event na inilunsad sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2001. (Russell Cadayona)