3 golds nasungkit ng RP wushu sa Vietnam

Tatlong gintong medalya ang nasungkit ng Philippine national wushu team sa katatapos na 2005 World Wushu Championship na idinaos sa Hanoi, Vietnam. 

Sapat na ang naturang tatlong gold medals upang ihanay ang Team Philippines bilang No. 4 sa overall championship ng nasabing torneo na nilahukan ng halos 500 wushu artists mula sa 80 bansa. 

Muling pinangunahan ni 2004 World Championship gold medal winner Rene Catalan ang kampanya ng Nationals nang patuloy na pagharian ang men’s sanshou 48-kilogram competition laban sa mga pambato ng China, Russia at South Korea.

 Si Catalan ang siyang patuloy na dumodomina sa kanyang event na ang huli ay sa nakaraang 23rd Southeast Asian Games.

 Bukod kay Catalan, ang dalawa pang pumitas ng gintong medalya sa naturang sports event ay sina Rexel Nganjayna at Bedjie Rivera na namahala sa men’s 60kg. at 52kg., ayon sa pagkakasunod.

 Nag-ambag naman ng isang silver at isang bronze medal sina 2005 gold medalist Rhea Mae Rifani sa women’s 52kg. at Edward Folayang sa men’s 70kg. event.  

 Ang China ang siyang tinanghal na overall champion sa nakolekta nilang 18 gintong medalya kasunod ang 5 ng host Vietnam, 4 ng Malaysia at 3 ng Pilipinas. (Russell Cadayona)   

Show comments