"Balak ko na talagang mag-retire pagkatapos ng 2005 Southeast Asian Games," wika ng 38-anyos na si Vence, naghari sa marathon event ng SEA Games noong 2001 sa Kuala Lumpur, Malaysia. "Siyempre, hindi na naman tayo bumabata eh."
Sumegunda lamang si Vence kay Boonchoo Jandacha ng Thailand para sa silver medal sa mens marathon sa 2005 Philippine SEA Games, samantalang tumersera naman ang 2003 Vietnam SEA Games gold medalist na si Allan Ballester para sa bronze medal.
Ayon sa tubong Bogo, Cebu, ang pagtuturo sa mga batang atleta ang siya niyang pag-uukulan ng atensyon sa kanyang pagreretiro sa aktibong paglahok sa mga kompetisyon.
"Gusto ko talagang mag-train ng mga batang athletes kasi sila ang nakikita kong magiging potential gold medalist natin sa future," ani Vence.
Kabilang sa mga karangalang natipon ni Vence ay ang pagiging six-time champion ng Milo Marathon at ang paglahok sa Olympic Games noong 1996 sa Sydney, Australia.
Nitong taon ay nagkampeon rin si Vence sa Manila Marathon na inorganisa ng Manila Sports Council (MASCO) sa ilalim ni Ali Atienza. (Russell Cadayona)