NAG-DELIVER ANG ATHLETICS

 Sumusungaw pa lang ang araw ay tinugon na ng ating marathoners ang starting gun na hudyat ng simula  ng huling dalawang events ng athletics sa 23rd Southeast Asian Games.

Inaasahan ni Philippine Amateur Track and Field Asso-ciation (PATAFA) president Go Teng Kok na masusungkit natin ang medalyang ginto sa dalawang events na ito upang matupad ang kanyang pangako sa Filipino sports fans.

Bago kasi nagsimula ang 23rd SEA ay nagbigay ng prediction si Go at sinabing hindi bababa sa 10 gold medals ang maide-deliver ng athletics. Walong medalyang ginto pa lang ang naibubulsa ng mga bata ni Go bago nagsimula ang marathon.

So forced to good na ang mga marathoners na mag-kampeon para matupad ang pangako.

Dapat sana’y bago nagsimula ang marathon event ay sapul na ang10 gold medals sa athletics. Pero nabigo ang pambato nating si Eduardo Buenavista sa 10,000 m run at 5,000 m run.

Katunayan, sa 5,000 meter run ay una siyang tumawid sa finish line subalit binawi ang gintong medalya niya matapos na ma-disqualify.

Buweno, kinapos ng isang gintong medalya sa kanyang pangako si Go.

Tanging si Christabel Martes ang siyang nag-deliver ng gold medal nang magtala ito ng 2:47:07.5 sa women’s marathon. Tinalo niya si Fermarince Subnafu ng Indonesia na nagtala ng 2:54:23.5.

Nabigo sina Roy Vence at Allan Ballester dahil silver at bronze medal lang ang kanilang naibulsa sa men’s marathon na napanalunan ni Boonchoo Jandacha ng Thailand sa oras na 2:29:27.

So kapos ng isa at may mga tumutukso kay Go dahil sabi niya noong isang araw "I’ll hang myself if we don’t win 10 gold medals."

Huwag naman!

Okay na rin yung nine gold medals dahil sa malaking kontribusyon na iyan sa overall campaign ng mga Pinoy sa 23rd Southeast Asian Games. Gawin na lang ni Go ang lahat para mag-improve pa tayo sa mga susunod na competitions.

Bukod kay Martes, ang iba pang gold medals sa athletics ay nanggaling kina Marestella Torres sa women’s long jump, Mercedita Manipol sa women’s 10,000 meter run, Henry Dagmil sa men’s long jump, Rene Herrera sa 3,000-meter steeplechase, Danilo Fresnido sa men’s Javelin throw, Arniel Ferrera sa men’s hammer throw, Jimar Aing sa men’s 400-meter run at sa 4 x 400 m relay for men kung saan ang RP quartet ay binuo nina Aing, Kashus Perona, Ernie Candelario at Julius Nieras.

Oo’t masaklap na hindi makatupad sa pangako. Pero hindi naman natin pwedeng sabihin hindi pinilit ng ating mga atleta na tuparin ito. Ibinuhos nila ang kanilang makakaya at maipagkakapuri din natin ang mga hindi nagwagi ng gintong medalya.
* * *
HAPPY birthday sa aking inang si Maria Carrillo-Zaldivar na nagdiriwang ngayon (December 5) at belated birthday greetings naman sa aking amang si Amideo Zaldivar na nagdiwang noong Disyembre 3.

Show comments