Gayunpaman, hindi natinag sa overall leadership ang Philippines matapos ang ikalimang araw ng 23rd Southeast Asian Games.
Sa napakatumal na araw para sa mga Pinoy athletes, nagningning ng husto ang gintong medalyang hatid ng rower na si Benjamin Tolentino na siyang ikalawang triple gold medalists ng bansa.
Minarkahan ng 32-gulang na si Tolentino na teritoryo nito ang La Mesa Dam nang kanyang angkinin ang ikatlong sunod na ginto sa lightweight mens double sculls kasama si Alvin Amposta upang pantayan ang tatlong ginto ng diver na si Sheila Mae Perez.
Sa loob lamang ng dalawang araw ay nakuha na ni Tolentino ang titulong triple gold medalists matapos maka-double gold agad kamakalawa sa kanyang panalo sa light-weight singles sculls at mens doubles, kumpara kay Perez na inabot ng apat na araw bago maka-tatlong gold mula sa 3 meter at 1m springboard at 3m synchronized springboard.
Lumipas ang maghapon na tahimik ang mga Pinoy athletes ngunit natapos ang mahabang paghihintay ng mga ginto nang pumasok sa medal tally ang mga gold medals nina judoka Helen Dawa at gymnast Roel Ramirez.
Inihatid ni Ramirez ang kauna-unahang ginto ng Pinas sa gymnastics na ginaganap sa Rizal Memorial Coliseum nang sikwatin nito ang ginto sa vault event mula sa 10-golds na nakataya kahapon.
Nangailangan naman dalawang extensions ang judoka na si Dawa upang igupo si Muenjit Wanwisa ng Thailand sa 48kgs. category para sa unang ginto ng RP judo team mula sa Mandaue Coliseum sa Cebu City.
Tatlong ginto pa lamang ang naisusubi ng RP athletes habang sinusulat ang balitang ito mula sa 36-ginto na nakataya kahapon na napakalayo sa 20 golds na produksiyon noong Lunes, 16 noong Martes at 17 gold kamakalawa.
Ngunit matatag pa rin sa pangkalahatang pamumuno ang Team Philippines na may 61-golds, 41-silvers at 49-bronzes at nananatiling malayo ang distansiya sa defending overall champion na Vietnam.
Nanatiling nasa distansiyang 42-golds, 39-silvers at 47-bronzes ang Vietnam kasunod ang Thailand na may 35-48-54 gold-silver-bronze habang ang Malaysia ay may 26-22-26 na produksiyon.
Nagkasya lamang sa silver medal ang womens trio nina Ces Yap, Liza Del Rosario at Liza Clutario at ang mens trio nina CJ Suarez, Chester King at Ernesto Gatchalian sa bowling event sa Pearl Bowling Center, Marites Bitbit sa womens Individual Time Trial sa Tagaytay City gayundin ang lightweight men coxless four nina Joel Bagasbas, Alvin Amposta at ang magkapatid na sina Nestor at Nilo Cordova.
Inaasahang makakaginto ang Pinas sa mga hinihintay pang events mula sa fencing, billiards, swimming, shooting, gymnastics at judo. (Carmela Ochoa)