Kagabi, tinuhog ng Nationals ang gold medal sa mens epee team matapos talunin ang mga Thais, 44-42, sa fencing event ng 23rd Southeast Asian Games, sa San Juan Gymnasium.
Ang nasabing panalo ang siyang pumantay sa naiuwing apat na gintong medalya ng Team Philippines noong 2003 SEA Games sa Vietnam.
Dinaig nina actor-sportsman Richard Gomez, Ave-lino Victorino, Jr., Armando Vernal at Wilfredo Viscayno, Jr., ang apatan nina Songphon Cheekwang, Siriroj Ratthaprasert, Supoj Chavalanarumit ng Thailand para sa matagumpay nilang pagdedepensa ng korona.
Ang unang tatlong gold medals ay naihandog nina Walbert Mendoza, Melly Joyce Angeles at Veena Tessa Nuestro.
Naidepensa ni Mendoza ang kanyang korona sa mens individual foil, samantalang kinuha naman nina Angeles at Nuestro ang ginto sa womens individual epee at foil event, ayon sa pagkakasunod.
Dalawang silver medals ang naibigay naman nina Ramil Endriano sa mens individual foil at Joanna Franquelli sa womens individual saber.
Tatlong gold medals naman ang pag-aagawan ngayong hapon para sa mens sabre at foil team at sa womens sabre team. (Russell Cadayona)