Pinoy boxers aakyat na sa ring

Patay na ang mobile phone ni coach Pat Gaspi at iisa lang ang ibig sabihin nito. Ayaw niyang paabala ang kanyang mga boksi-ngero na naghahanda sa kanilang pag-akyat sa ring ngayon sa panimula ng SEAG slugfest sa Bacolod City.

Nagtatago na ang mga Pinoy boxers nang pansamantalang iwan ang kanilang quarters sa loob ng La Salle-Bacolod campus upang samahan ang ibang kasamahan sa Kundutel Hotel dito.

Ipinaliwanag naman ni Amateur Boxing Asso-ciation of the Philippines president Manny Lopez na mataas ang morale at mentally ready ang kanyang mga boksingero sa kanilang kampanyang muling maangkin ang boxing crown sa biennial meet na ito.

"There’s no more turning back for our team. We’re ready to go to war," ani Lopez sa bisperas ng pinakahihintay na sporting event ng lahat ng Pinoy makaraang mawala sa kalendaryo ng SEAG ang basketball.

May 22 laban ang nakatakdang magbukas sa hostilidad ngayong alas-2 ng hapon sa La Salle-Bacolod gym ngunit ngayong umaga ang draw para malaman kung sinu-sino ang maglalaban.

Handa ang Thais na ipagtanggol ang kanilang dominasyon sa event habang naghahangad naman ang mga Pinoy na maibalik ang masasayang araw ng 1991 Manila SEA Games.

Pitong ipinagmamalaki ng Negros na tinaguriang "Negros Magnificent Seven," ang babandera sa Philippines saban sa mga Thai world-beaters at iba pang kalahok. Ito ay sina finweight Juanito Magliquian Jr., flyweight Warlito Parrenas, bantam-weight Joan Tipon, light-weight Genebert Basadre, welterweight Mark Jason Melligen, middleweight Reynaldo Galido at female lightweight Mitchel Martinez.

Tutulong din sa kampanyang ito ng Team Philippines na maiangat ang one-gold na tinapos sa Vietnam noong 2003 sina reigning gold medalist Harry Tanamor, Joegin Ladon , Romeo Brin, Alice Kate Aparri, Analiza Cruz, Annie Albania at Jouvilet Chilem. (Nelson Beltran)

Show comments