Makatatlong sunod kaya ang Realtors?

Sa apat na koponang sasabak ngayon sa San Mig Coffee-PBA Fiesta Conference, ang Sta. Lucia Realty lamang ang may mataas na morale na papasok sa court bitbit ang alaala ng matamis na tagumpay sa kanilang out-of-town game.

Ninanamnam pa ng Realtors ang 100-97 panalo laban sa bigating Talk N Text noong Sabado sa Zamboanga City sa kabayanihan ni Kenneth Duremdes na umiskor ng game-winning three-point shot at ito ang kanilang magiging inspirasyon sa pakikipagsagupa sa inaalat pa ring defending champion San Miguel Beer sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Hangad ng Sta. Lucia ang ikatlong sunod na panalo sa pakikipagsagupa sa SMBeer sa alas-7:40 ng gabing sagupaan upang lalo pang mapalawig ang iniingatang 4-6 win-loss slate sa pangunguna nina Duremdes, Marlou Aquino, import Omar Weaver at rookie Alex Cabagnot.

Naging mapait sa Phone Pals ang kanilang nakaraang kabiguan na nagpako sa kanila sa ikalawang puwesto taglay ang 6-3 karta kaya naman sisikapin nilang ibaon sa limot ang pagkatalong ito sa pakikipagharap sa Red Bull Barakos sa unang laro, alas-4:40 ng hapon. (CVOchoa)

Show comments