Siniguro ni Carcamo na pumasok sa basket ang long jumper ni Johnny Abarrientos nang tapikin niya ito malapit sa goal bago maubos ang oras para sa winning basket tungo sa kanilang tagumpay na bumura sa kanilang masamang debut game kung saan nabigo sila laban sa Barangay Ginebra, 81-89 noong Miyerkules.
Tumapos lamang si Carcamo ng 14 puntos tulad ni Billy Mamaril kasunod ang 13 puntos ni Ali Peek.
Dahil dito, nakasama ang Tigers sa grupo ng mga koponang may 1-1 win-loss slate na kinabibilangan ng Alaska, Purefoods, Ginebra, Sta. Lucia, Red Bull at kung sino man ang matatalo sa main game sa pagitan ng Talk N Text at Air21 na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.
Tabla ang iskor sa 77-all sa follow-up basket ni Peek nang nagkaroon ng pagkakataon ang Tigers sa tagumpay nang mapasakanila ang posesyon matapos ma-last-touch si Nick Belasco.
Papasok ng ikaapat na quarter, lamang ang Tigers ng pitong puntos sa 57-50 ngunit nagpakita ng kakaibang galing si San Miguel import Rico Hill na umiskor ng dalawang tres at isang basket sa 14-2 run upang agawin ang kalamangan sa 64-57.
Gayunpaman, nabawi rin ng Coca-Cola ang kalamangan nang pamunuan ni Mamaril ang 10-3 run para sa 73-67 bentahe. (Carmela Ochoa)