P50M bigay ni Lucio Tan para sa SEA Games

Karagdagang pondo para sa pagdaraos ng 23rd Southeast Asian Games.

Ito ang na-plantsa ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHILSOC) matapos kilalanin ang Lucio Tan Group of Companies bilang major sponsor ng nasabing biennial event na hahataw sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 5.

Pondong P50 milyon ang ipinasok ng Lucio Tan Group sa PHILSOC sa pamamagitan ng Century Park Hotel, Philippine Airlines at Summit Natural Bottled Water.

Pinirmahan kahapon nina Cojuangco at Domingo Chua, kinatawan ng LT Group bilang managing director ng Himmel Industries, ang Memorandum of Agreement (MOA).

"The road to the Southeast Asian Games is an arduous and challenging one. And today, the load significantly lessened with the generous support coming from the Lucio Tan Group. We recognize the invaluable contributions of the company. On behalf of PHILSOC, we extend our deepest gratitude to them," ani Cojuangco, na presidente rin ng Philippine Olympic Committee (POC).

Sa Century Park Hotel manunuluyan ang mga opisyales ng PHILSOC at SEA Games Federation, samantalang ang Philippine Airlines ang sasagot sa international airline tickets ng halos 300 opisyales mula sa Southeast Asian countries bukod pa sa mga domestic travel services mula Maynila hanggang Bacolod City, Cebu City at Subic at ang Summit ang magbibigay ng tubig para sa humigit-kumulang sa 10,000 bilang ng mga atleta. (Russell Cadayona)

Show comments