Laborte-Tabuena tandem champion pa rin

Hindi naging balakid ang malakas na hangin kina Michelle Laborte at Cecille Tabuena na umiihip sa Manila Baywalk kundi ginamit pa ito ng Philippine Navy tandem upang igupo sina Suzanne Roces at Abigail Escandor, 21-10, 21-9 para mapanatili ang titulo sa Petron Ladies Beach Volleyball Tournament na natapos ng gabi noong Linggo.

Bagamat unti-unti nang lumalakas ang hangin sa unang set, lalong nag-init si Tabuena na nagbigay sa Navy ng 10-4 kalamangan sa kanilang placement shots.

Wala na sa kontrol sina Roces at Escandor mula sa University of the East sa ikalawang set kung saan agad lumamang sa 5-0 ang Navy Pair mula sa mga matutulis na smash ni Laborte.

"Malakas ang hangin. Pero napag-ensayuhan na namin ito. Sa Thailand, sa tabi ng dagat kami naglalaro. Nakaka-adjust kami. Diskarte na lang kanina," ani Laborte, veteran ng Asian Championship meets kasama si Tabuena.

Nakopo ng Navy tandem ang top purse na P10,000 habang nagkasya sina Roces at Escandor sa runner-up prize na P5,000 sa beach volley fiesta na ito na handog ng Petron, sa pakikipagtulungan ng Manila Sports Council (MASCO), Philippine Charity Sweepstakes Office, PAGCOR, Toyota Pasong Tamo, Villa de Oro, ACSAT, Speedo (official outfitter) at Mikasa (official ball).

Show comments