PBL Rookie Draft inurong sa Oct. 5

Inihayag ng Philippine Basketball League (PBL) kahapon na ang Rookie Draft para sa kick-off tournament ng 24th season ay inurong sa Oct. 5 para bigyan ng sapat na panahon ang mga players mula sa collegiate leagues na makapaghanda.

Ang drafting na naunang itinakda sa darating na Biyernes ay gaganapin na sa susunod na linggo dahil karamihan sa mga prospective aspirants ay naglalaro pa sa kani-kanilang college teams sa iba’t-ibang liga sa buong bansa.

"We received numerous calls from officials and players of some collegiate leagues, requesting us to give them ample time to join the drafting, so we are giving them one more week to apply," ani Commissioner Chino Trinidad.

Bagamat tapos na ang NCAA basketball tournament, marami pa ring collegiate leagues, lalo na sa Metro Manila, ang hindi pa natatapos partikular na ang UAAP na papasok pa lang sa best-of-three finals kung saan magduduwelo ang La Salle at Far Eastern sa Huwebes.

Ang deadline submission ng application forms ayon kay Executive Director Butch Maniego ay inurong din sa October 3 at hindi bukas gaya ng naunang naipahayag.

May 40 aplikante na kabilang ang limang Fil-Am players ang nag-apply na sa drafting para sa season-opening tournament na tatawaging Heroes Cup na magsisimula sa Oct. 29.

Ang mga Fil-foreign players na nagpalista na ay sina Joven Williams, Ryan Arceo, Joe Calvin Devance, Jr., Allen Paul Aguada at Cristian Gopez.

Magkakaroon din ng one-day aspirants camp sa Oct. 3 sa Reyes Gym sa Mandaluyong.

Para sa mga interesadong players, magdala ng authenticated birth certificate at 1x1 ID at mag-fill-up ng application forms sa PBL office sa Unit 2302A, West Tower, Phil. Stock Exchange Center sa Exchange Road, Pasig City o tumawag kay Lanie Sagayap sa tel. nos. 6673008/09.

Show comments