Ayon kay national head coach Jomel Lorenzo, nabigong tumugon sa proseso ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) ang PAGCOR Trade Team para sa komposisyon ng tropang ilalaban sa naturang biennial meet.
"May mga criteria, may mga qualifications at may mga proseso para mapabilang sa national team. At hindi sila tumugon doon. So hindi sila makakapasok at hindi sila makakalaro sa national team," wika ni Lorenzo.
Ilan sa mga naging national riders ng PhilCycling sa nasabing Trade Team ay sina Victor Espiritu, Alfie Catalan at Frederick Feliciano.
Si Espiritu, dating naghari sa nabuwag nang Marlboro Tour, ang pumadyak ng silver medal sa mens 40-Kilometer Time Trial sa 2003 Vietnam SEA Games, habang bronze naman ang iniuwi nina Catalan at Feliciano sa 51-K Criterium Race at 35-K Cross Country event, ayon sa pagkakasunod.
Sinabi ni Lorenzo na pormal nilang ihahayag ang mga miyembro ng RP Team na isasabak sa 2005 SEA Games sa susunod na linggo.
"Sa ngayon, dine-deliberate namin ng coaching staff at ng PhilCycling ang mga aspirants," ani Lorenzo. "Hopefully, by next week mailalabas na namin yung official line-up."
Kabilang sa mga riders na inaasahang nasa listahan na ng PhilCycling ay sina Eusebio Quinones, gold medal winner sa 35-K Cross Country sa Vietnam SEA Games, Warren Davadilla, Reynaldo Navarro at Erickson Obosa. (RCadayona)