Ang Lions ay binanderahan ni Amado Diaz na sumira ng dalawang NCAA records at nakisalo sa tatlong iba pang panalo kabilang ang 400m individual medley, kung saan halos lahat ng events sa seniors division ay kanyang dinomina. Nagtala ang Mendiola-based team ng kabuuang 770 puntos.
Binasag ng 21-anyos na si Diaz ang 4:28.0 record sa 400m freestyle matapos na magsumite ng 4:27.88 gayundin ang 2:18.90 sa 200m individual medley nang maorasan ng 2:18.18. Ang nasabing dalawang panalo ay kanyang naitala sa final round.
Sa kabilang dako, nakipagtabla siya sa meet record sa 100m backstroke (1:03.19), 200m backstroke (2:16.97) at 400m individual medley (4:57.32).
Pumangalawa ang Philippine Christian University na mayroong 634.5 puntos, habang tumersera ang nakaraang taong runner-up na College of St. Benilde na may 323.25 puntos, pumuwesto naman ang San Sebastian College-Recoletos ng ikaapat na may 277.25 puntos at pang-lima ang Mapua na may 201 puntos.
Napanatili naman ng high school swimming team ng CSB ang kanilang titulo matapos na kumulekta ng 671.5 puntos, sumunod ang University of Perpetual Help System Dalta (598), na sinundan ng SSC-R (474), SBC (247.5) at PCU (115.5).