RP batters nagpasiklab sa Malaysian softball

KUALA LUMPUR, Malaysia -- Kumana ang Team Philippines ng kambal na panalo upang maningning na simulan ang kanilang kampanya ng pabagsakin ng Filipinos ang Thailand, 8-1 sa men’s event na sinundan ng pagpapabagsak ng women’s team sa Singapore, 7-0 sa Association of Southeast Asian Nation Softball Championships sa old Victoria Institute grounds dito.

Pumukol si Florante Acuna ng one-hitter sa no-relief job nang paspasan ng Blu Boys ang Thais sa larong na-delay ng mahigit sa isang oras sanhi ng ulan.

Binanderahan naman nina Corazon Soberre at Cyrel Ramos ang Blu Girls sa pagpapataob sa Singaporeans sa event na ito kung saan gagamitin ito ng Filipinos para hasain pang lalo ang kanilang talento para sa nalalapit na Southeast Asian Games.

Agad na naka-una ang Thais sa first inning ng tumira si Ruxsasri Pairoj ng single to right field at paiskorin si Lowhaphan Kaittipong na nauna nang nakatapak sa base sa bisa ng walk.

Ngunit nagawang pigilan ni Acuna at basagin ang depensa ng Thai sa kanyang pinakawalang anim na strikeouts sa sumunod na apat na inning, habang binugbog naman ng Filipinos ang Thais sa walong runs at nanalo rin sa nasabing laro sa bisa ng seven-run lead ‘mercy rule’.

Show comments