Well, kung pessimits ka, malamang na sabihin mong malabo na ang tsansa ng Red Lions na makabangon at makarating sa Final Four.
Pero kung optimist ka, sasabihin mong pwedeng-pwede pa!
Natural na optimistiko si Banal nang pumayag siyang hawakan ang Red Lions. Marami kasi siyang isinakripisyo para tanggapin ang tungkuling ito. Kinailangan niyang humingi ng pahintulot sa San Miguel Corporation. Siya kasi ang coach ng Magnolia Ice Cream sa Philippine Basketball League at assistant coach ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs sa Philippine Basketball Association.
Sa ilalim ng rules ng NCAA, hindi nito pinahihintulutan ang kanilang mga coaches na humawak ng teams sa commercial leagues bilang head coach din. Pwede kung assistant coach sa PBA. So, malamang na bibitawan ni Banal ang Magnolia sa PBL. Iyon ang malaking sakripisyo niya.
Magsasakripisyo ba si Banal kung hindi siya naniniwalang kaya niyang ibangon ang Red Lions?
Sa tutoo lang, pwedeng-pwede pa naman talaga. Ang Red Lions ay nasa dulo ng standings at kasama ang Jose Rizal Heavy Bombers na may 1-6 karta. Sa ngayon, kung titingala sila at makikita na ang Letran (7-0), Philippine Christian University (6-1) at Mapua (5-2) ay nasa itaas ng standings, baka mawalan sila ng loob. Iniisip kasi ng lahat na ang Knights, Dolphins at Cardinals ay tiyak nang papasok sa Final Four.
So, ipagpalagay na nating tutoo ito at silang tatlo nga ay shoo-in para sa Final Four, e di may isa pang slot na bukas?
Iyon ang pupuntiryahin ng Red Lions.
Pagkatapos kasi ng First Round ay may 3-4 karta ang San Sebas-tian Stags at St. Benilde Blazers. Mamaya ay maghaharap ang dalawang koponang ito at isa ang makakakuha ng ikaapat na panalo. Kaya naman ang magiging goal ng mga teams na nasa ibaba ng standings ay abutan lang kung sinuman sa Stags at Blazers ang manalo mamaya.
Iyon ang realistic na goal ni Banal.
At sisimulan nga niyang habulin ang pangarap na iyon mamaya sa pagpupugay niya bilang head coach ng Red Lions. Ang sistey ang makakatunggali nila mamaya sa umpisa ng second round ng NCAA tournament ay ang nagtatanggol na kampeong Dolphins na tumalo sa kanila, 68-50 sa opening day.
Hindi naman natin sinasabing impusibleng talunin ng San Beda ang PCU. Bilog ang bola. Kahit ano ay pwedeng mangyari.
Kapag nasilat ng San Beda ang PCU, magsisilbi itong malaking morale bosster sa Lions at maniniwala silang kaya pa nilang umabot sa Final Four.