Bulldogs sinuwag ng Tamaraws

Ipinaramdam ng husto ng Far Eastern University sa National University ang kanilang kasalukuyang dominasyon sa pamamagitan ng 83-68 pananalasa sa Bulldogs upang ipagpatuloy ang pama-mayagpag sa UAAP men’s basketball tournament na nagpatuloy kahapon sa Araneta Coliseum.

Nanatiling walang dungis ang karta ng FEU Tamaraws nang kanilang isulong ang ikalimang sunod na panalo upang higit na magningning sa pangkalahatang pamumuno matapos dominahin ang laban kontra sa Nationals.

Kinailangan lamang ng Far Eastern na magbanat ng buto sa unang bahagi ng labanan at hinayaan na nila ang mga second stringers sa second half upang ipalasap sa Bulldogs ang ikalimang sunod na kabiguan.

Dinomina rin ng defending champion De La Salle University ang kanilang laban kontra sa University of Santo Tomas na kanilang inilampaso sa 98-78 panalo sa ikalawang laro.

Sa juniors division, nanatiling magkasosyo sa liderato ang FEU Baby Tams at De La Salle Zobel matapos ang magkahiwalay na panalo sanhi ng kanilang pagtatabla sa 4-1 record.

Inilampaso ng Baby Tams ang NU Bullpups sa unang juniors game, 89-48 habang pinasadsad naman ng Junior Archers ang UST Tigers Cubs sa ikalawang laro, 70-54.

Show comments