Iginiya nina Hidayat at Zhang ang Asia sa 2-0 lead kontra Europe sa magkahiwalay nilang tagumpay sa paghataw ng MVP Cup Badminton Championships kagabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Tinalo ng 24-anyos na si Hidayat si Anders Boesen, 15-13, 15-4, samantalang giniba naman ng 24-anyos ring si Zhang si Mia Audina Tjiptawan, 11-5, 11-3, sa mens at ladies singles event.
"I want to share this win to the people of the Philippines," sambit ni Hidayat, ang gold medalist sa 2004 Olympic Games sa Athens, Greece, matapos niyang talunin si Boesen, ang pinakabeterano sa mga players ng Denmark.
Naging problema naman ni Zhang, ang gold medal winner sa Athens Games, ang hangin na pumapasok sa loob PhilSports Arena.
"It seems that the win was easy but we were both affected by the wind coming from the outside of the venue," dahilan ni Zhang. "But this is an important win, so I will take it anyway."
Kumbinsido naman ang 24-anyos na si Tjiptawan, tumalo kay Zhang sa finals ng Uber Cup noong 1994 bilang mga bagito, na talo talaga siya sa Chinese pride.
"I think I gave her much difficult time in the Athens Olympics than here. The wind was definitely affected me," wika ng tubong Jakarta, Indonesia na kumakatawan ngayon sa Netherlands.
Samantala, naglalaro pa kagabi ang tambalan nina Chan Chong Ming at Koo Kian Keat ng Malaysia laban sa dalawahan nina Nathan Robertson at Robert Blair ng England sa men's doubles event para sa huling laro.
Ang mananalong tropa ay tatanggap ng $50,000 at $30,000 naman ang makukuha ng matatalo. (Ulat ni Russel Cadayona)