Mahaba-haba ang magiging bakasyon ng mga koponang nanonood na lamang ngayon. Pero lahat ba silay babalik sa susunod na season ng PBA?
Iyan kasi ang itinatanong ng mga fans ng Shell Velocity dahil sa napabalitang nagdi-disband na ang Turbo Chargers. Yung daw mismong mother company ng Shell sa ibang bansa ang nagsasabing hindi na sila dapat na lumahok pa sa PBA.
Hindi natin alam kung tama ang desisyong iyan ng mother company ng Shell. Pero siyempre, walang magagawa ang mga nandito sa Pilipinas kundi ang sumunod kung saka-sakali. Pwede din namang mangatwiran sila at i-justify ang patuloy na pagiging miyembro ng PBA.
Kung sabagay, mahaba-habang paghihintay pa naman ang magaganap dahil sa Oktubre pa magsisimula ang susunod na season. Halos apat na buwan pa ang pagitan.
Pero siyempre, kailangang masagot na iyan ngayon. Paano kung sa last minute ay mag-disband nga ang Shell, e di siyam na lang imbes na sampu ang magiging miyembro ng PBA. Mahirap humanap ng panakip butas sa maikling panahon.
Kaya naman sa wikang Ingles "sitting on pins and needles" ang coaching staff at ang mga manlalaro ng Shell Velocity.
Nag-expire noong Hunyo 30 ang kontrata ni coach Leovino Austria at ng coaching staff pero hinawakan pa rin nila ang Turbo Chargers sa one-game playoff para sa third place ng PBA Fiesta Cup kontra Red Bull Barako. Nagawa ng Turbo Chargers na magwagi, 102-86 upang makopo ang ikatlong puwesto at makapag-uwi pa ng isang tropeo. Iyon na nga kaya ang huling tropeong idi-display ng Turbo Chargers?
Bukod kina coach Leo Austria at kasama niya sa coaching staff, nag-expire din ang kontrata ng anim na Turbo Chargers noong Hunyo 30. Kaya nga nakakabilib din ang pangyayaring naglaro sila nang husto laban sa Barakos.
Siguro, sa kanilang pananaw, kung maiuuwi nila ang third place trophy, baka sakaling hindi matuloy ang disbandment ng Shell. Kung talaga ngang magdi-disband ang Turbo Chargers.
Sayang nga at hindi sila nakarating sa Finals. Nanghihi-nayang ang karamihan sa nangyari sa Game Four ng semis sa pagitan ng Shell at Talk N Text kung saan bunga ng masa-mang tawag ng mga referees na sina Mario Montiel, Joey Calungcagin at Throngy Aldava ay natalo angTurbo Chargers.
Indefinite suspension ang ipinataw sa tatlong referee na ito pero hindi na mababago pa ang resulta ng laro at tuluyang pumasok sa Finals ang Talk N Text kontra San Miguel Beer.
Baka kung pumasok sa Finals ang Shell, kahit pa anong mangyari sa laban kontra San Miguel, mamamatay na ang issue hinggil sa kanilang disbandment.
Tuloy kaya o hindi?