"I got mad at my players for playing a lousy offense," wika ni Lim sa kanyang Cardinals na umiskor lamang ng 4 puntos sa kabuuan ng ikatlong quarter. "Parang laro na nilalaro pa nila."
Ang resulta ng naturang sermon, ang 66-52 pamamayani ng Mapua sa Jose Rizal University sa eliminasyon ng 81st NCAA mens basketball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome.
Kumabig si Fil-Canadian Kelvin dela Peña ng 15 puntos, 7 rebounds at 3 assists para igiya ang Mapua sa malinis na 2-0 record, habang lumatay naman sa Heavy Bombers ang 0-2 baraha.
Binuksan ng Cardinals ang laro mula sa isang 14-6 lamang patungo sa 46-22 pagbaon sa Heavy Bombers sa huling 54 segundo ng ikalawang quarter mula sa drive ni Joferson Gonzales.
Ngunit biglang nanlamig ang Intramuros-based cagers sa ikatlong quarter.
Sa likod ni Floyd Dedicatoria, naidikit ng Jose Rizal ang laro sa 39-50 sa unang apat na minuto ng final canto.
Subalit nakabawi naman ang Mapua sa paglista ng 64-44 bentahe sa huling 4:06 ng labanan mula sa tres ni Gonzales.
Sa ikalawang laro, dumiretso rin sa kanilang 2-0 baraha ang Letran Knights matapos igupo ang San Beda Red Lions, 63-54. (Ulat ni Russell Cadayona)