Matapos mangapa sa elimination round kung saan nagtala lamang sila ng 7 panalo sa 10 asignatura, mas maganda ang inilaro ng Tigress at ipinamalas ang pamatay nilang porma nang pigilan nila ang pag-atake ng Lady Stags sa pamamagitan ng solidong depensa at trangkuhan ang kanilang isang oras at 10 minutong laban.
Nagsosyo sina first conference MVP Mary Jean Balse, Roxanne Pimentel at Venus Bernal ng pinagsamang 35 puntos para sa España-base spikers na ang straight set na panalo ay nagbigay hudyat sa kanilang kampanyang mapanatili ang kanilang korona sa torneong hatid ng Shakeys Pizza at naghahanda sa kanilang inaasahang malakas na laban kontra sa Ateneo bukas.
"I told the girls to step up kasi semifinals na ito," ani UST coach August Sta. Maria, kung saan inaasahan ng kanyang mga bataan ang malakas na duelo na magmumula sa Lady Eagles bukas.
Ang solidong laro ng Tigress ay pumigil din sa pananalasa ni Cherry Rose Macatangay na nagtala ng game-high 22 puntos para sa San Sebastian sa event na ito na suportado din ng Mika-sa, Dunkin Donuts, IBC- 13 at Jemah Television.
Kasalukuyang naglalaro pa ang elimination topnotcher La Salle at Ateneo habang sinusulat ang balitang ito.