Tumapos ang 68 na si Melvin, produkto ng North Carolina University na pumalit kay Lorenzo Coleman, matapos magsumite ng impresibong 33-puntos at 21 rebounds upang ibigay sa TJ Hotdogs ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-three wild card series.
Humataw ang Purefoods sa ikaapat na quarter kung saan pinaabot nila ng 22-puntos ang kanilang kalamangan, 91-69 upang masiguro ng maaga ang kanilang tagumpay.
Ang panalo ng TJ Hotdogs bukas sa Game-Two na gaganapin din sa Ynares Center ay magluluklok sa kanila sa quarterfinal round.
Isasalang naman ang ikalawang bahagi ng wild card phase sa pagbabalik ng aksiyon sa Araneta Coliseum kung saan hangad ng Alaska at Sta. Lucia na maiselyo ang pag-usad sa quarterfinal round.
Sasamantalahin ng Sta. Lucia Realty at Aces ang bisa ng angking twice-to-beat advantage sa pakikipagharap sa Shell Velocity at Coca-Cola ayon sa pagkakasunod.
Unang magtutuos ang Sta. Lucia at ang Turbo Chargers sa alas-4:45 ng hapon at isusunod naman ang sagupaan ng Alaska at Coca-Cola sa dakong alas-7:35 ng gabi.
Isang panalo lamang ang kailangan ng Aces at Realtors na nagkaroon ng naturang prebilehiyo bilang No. 3 para makausad sa quarterfinals habang dalawang panalo naman ang kailangan ng Shell at Coke na nalagay sa twice-to-win disadvantage makaraang magtapos bilang No. 9 at 10 teams sa eliminations.
Bumagsak sa No. 3 spot ang Alaska matapos mabigo sa San Miguel Beer, 71-73 sa kanilang playoff kamakalawa para sa No. 2 spot na inangkin ng Beermen para tularan ang Talk N Text na di na dadaan sa wild card at quarterfinal phase at dumiretso na sa semis.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban naman ang Red Bull at Ginebra para sa kanilang sariling best-of-three match. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)