Pinayukod ng nagde-depensang Magnolia-FEU Wizards ang Paint Masters, 80-72, sa Game 3 ng kanilang best-of-five semifinals series para ayusin ang kanilang do-or-die match sa 2005 PBL Unity Cup kahapon sa Pasig Sports Center.
Nakakuha ang Magnolia-FEU ng 15 puntos at 8 boards kay Neil Raneses para itabla sa 2-2 ang kanilang serye ng Welcoat, nagbitbit ng 1-0 lead bago pa man ang Game 1 bilang insentibo katulad ng Montaña.
Ang mananaig sa pagitan ng Wizards at Paint Masters sa Game 4 sa Martes ang siyang makakaharap ng Jewels sa best-of-five champion-ship series sa Huwebes.
Sa naunang laro, dumiretso naman sa kanilang ikalawang sunod na finals stint ang Montaña nang takasan ang Granny Goose Kornets, 56-54, makaraang isablay ni Chico Lanete ang dalawang freethrows nang wala ng oras para sa posibleng overtime period.
Winakasan ng Jewels ang kanilang serye ng Snackmasters sa 3-1.
Isang 3-point play ng 6-foot-7 na si Williams kay Welcoat forward Allan Gamboa ang naglatag sa malaking 57-37 bentahe ng Magnolia-FEU sa huling 2:2 ng third period matapos isara ang second quarter tangan ang 36-27 lamang. (Ulat ni RCadayona)