Malayo pa ang laban!

Well, hindi pa nga siguro dapat na mag-alala si national coach Vincent ‘Chot’ Reyes sa pagkatalo ng San Miguel-Pilipinas Team sa Iran at sa Lebanon sa kasalukuyang FIBA-Asia Champions Cup na ginaganap sa ating bansa.

Una’y may imports ang Iran at Lebanese squads. Tigalawa ang imports ng mga ito. Yun kasi ang itinakda ng torneo. Pero hindi na kumuha pa ng import si Reyes at All-Filipino na lang ang ipinasok sa team.

Ikalawa‚ hindi pa naman todo ang lakas ng San Miguel-Pilipinas Team. May 22 manlalarong kabilang sa national pool at labing-dalawa lang ang hinugot para sa koponang kalahok sa FIBA Asia Champions Cup. Hindi nga kabilang sa team ang mga superstars na sina Danny Seigle at Eric Menk. So, medyo agrabyado talaga ng San Miguel-Pilipinas Team.

Idagdag pa dito ang pangyayaring hindi naman talaga nagsasama-sama pa nang matagal ang mga RP Team hopefuls dahil sa may kanya-kanya silang mother teams na naglalaro sa PBA Fiesta Cup. Siguro, kapag natapos na ang Fiesta Cup ay magkakaroon sila ng sapat na panahon upang talagang magkakilala nang husto.

Ikatlo, medyo malayo pa naman ang torneong pakay ng RP Team na lahukan. Kumbaga, ang kasalukuyang FIBA-Asia Champions Cup ay bahagi lang ng paghahanda nina Reyes.

Halimbawang ang koponang ito ang ilaban sa SEABA sa buwan na ito, aba’y walang dudang magkakampeon tayo.

Kaya lang, medyo nag-iisip ang mga sumusubaybay sa kasalukuyang developments sa Philippine Basketball. Kasi nga’y naghahanda ang RP Team ni Reyes para sa international meets. Ang RP Team ni Reyes ay sinasang-ayunan ng Basketball Association of the Philippines na sinuspindi kamakailan ng Philippine Olympic Committee.

So, ano ba talaga ang mangyayari? Kumbaga’y naiipit ang RP Team na suportado ng PBA.

Siguro, kahit na ano pa ang mangyari, ang team na ito ang ilalahok sa mga torneong napagkasunduan na ng PBA at BAP, mga torneong sanctioned ng FIBA.

Kasi nga, hanggang ngayon naman ay kinikilala pa ng FIBA ang BAP.

Ang problema’y kapag pinilit ng POC at ng basketball caretaker body na magpadala ng ibang team.

Baka hindi sang-ayunan ito ng FIBA.

Pero siyempre, sinasabi naman ng karamihan, basta ang PBA ang magpadala ng team, wala na sigurong problema.

Sa tutoo lang, kailangang na talagang ang PBA na lang ang palaging magpadala ng team. Kailangan na ang pinakamalakas na team ang ipadala natin palagi.

Huwag na tayong magpadala ng patsy.

Kung natatalo nga ang PBA-backed team sa Iran at Lebanon, ano pa ang maaasahan natin sa isang amateur team?
* * *
Belated happy birthday sa aking pamangkin na si AC Wayne N. Tacadao na nagdiwang kahapon. Advanced birthday greetings kay Ayvonne Asensi na magdiriwa1ng sa June 8. Happy birthday kay Eton Navarro (brother ni Rhea) ngayong June 4, from PSN sports editor -Dina Marie Villena.

Show comments