Ito rin ang magmamarka na sa unang pagkakataon tutungo ang pangunahing 9-ball tour sa Indonesia kung saan may 32 pangunahing cue artists ng rehiyon ang maglalaban-laban para sa supre-midad sa pool. Lahat ng aksiyon mula sa Jakarta ay isasa-ere ng live sa Star Sports sa ganap na alas-5 ng hapon sa Abril 1, alas-11 ng umaga sa Abril 2 at alas-10:30 ng umaga sa Abril 3 (Manila time).
Si Reyes, galing sa tagumpay sa Japan Open, ay isa sa limang Pinoy na magtatangka sa pangunahing premyo na US$10,000. Makakasama niya sa Jakarta sina dating world number 1 Bustamante, Gandy Valle, Lee Van Corteza at baguhan sa Tour na si Roberto Gomez Jr.
Sa ngayon dominado ng Pinoy ang kompetisyon kung saan mula sa 8 legs ay may anim na nakuha ang Pinoy sapul nang magsimula ito noong 2003. Ang 50 anyos na si Reyes ang bumabandera na may apat na napag-wagiang legs habang tig-isa naman sina Corteza at Valle.
Si Valle, ang naghari sa first leg ngayong taon na ginanap sa Singapore makaraang igupo ang 16 anyos na si Wu Chia-Ching ng Chinese-Taipei sa finals, 11-9.
Ang San Miguel Asian 9-Ball Tour, na inorganisa ng ESPN Star Sports, ay ang tanging ranking tour sa Asya para sa mga manlalarong nais makapasok sa World Professional Pool. Ang top ten finishers sa pagtatapos ngayong taong Tour ay awtomatikong kuwalipikado sa World Pool Championship sa Taiwan sa July.