FedEx vs Shell; Purefoods vs Coca-Cola: Kakalas!

Sa debut game ng FedEx kontra sa Purefoods, ginamit ng bagitong coach na si Bong Ramos ang lahat ng kanyang players ngunit hindi sila nagtagumpay.

Sa kanilang nakaraang laban kontra sa Red Bull gumamit lamang ng nine-man crew si Ramos na isang paglihis sa ‘play-all’ company policy ng FedEx, ngunit maganda ang naging resulta nito.

Sa hindi sinasadyang pagsuway ni Ramos sa ‘play-all‚ policy’ na naging dahilan ng pagkakasibak ni coach Derrick Pumaren noong 2003 kapalit ni Boni Garcia, nailista ng Express ang unang panalo sa PBA Fiesta Conference para makasama sa five-way-tie sa 1-1 win-loss record.

"Hindi ko alam ‘yon but I think, this team has move on," wika ni Ramos na humalili kay Joe Lipa. "As much as possible, gusto ko ring gamitin lahat. Sinubukan ko against Purefoods but it didn’t work out well."

Matapos umabante ng 19-puntos, yumukod din ang Express sa dakong huli laban sa TJ Hotdogs, 90-92 ngunit sa sumunod na laro, nakabawi ang FedEx sa tulong ng bagong saltang si Gary David na nakuha ng Fed-Ex sa three-team trade na bumandera sa 109-104 panalo laban sa Red Bull noong Biyernes.

Isa ang FedEx sa apat na koponang maglalaro ngayon sa Ynares Center sa Antipolo City na naghahangad makaalpas sa five-way logjam sa 1-1 record na kinabibilangan ng Shell, Coca-Cola, Ginebra at Purefoods para saluhan ang mga nakakaangat na San Miguel at Red Bull na may 2-1 kartada sa likod ng nangungunang Talk N Text (2-0).

Unang maglalaban ang Express at Turbo Chargers sa alas-4:45 ng hapon kung saan magkakatapat sina FedEx import Anthony Miller at Shell reinforcement Wesley Wilson habang ang TJ Hotdogs at Tigers naman ang magsasagupa sa alas-7:35 ng gabi kung saan magpapasiklaban sina Purefoods import Antonio Smith at Jaja Ri-chards ng Coca-Cola.

Sisikapin ng Shell na masundan ang 80-68 panalo laban sa Purefoods na nais makabawi kontra sa Coke.

Nais namang makabangon ng Tigers sa 77-88 pagkatalo laban sa SMBeer. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments