Ikalawang panalo asinta ng Coke at San Miguel

Paglalabanan ng magkapatid na kumpanyang Coca-Cola at San Miguel Beer ang win No. 2 sa kanilang sagupaan ngayon habang makabawi naman sa nakakadismayang simula sa PBA Fiesta Conference ang hangad ng Alaska at Sta. Lucia Realty na inaasahang magpaparada ng mga bagong imports ngayon.

Unang isasalang ang Tigers-Beermen match sa alas-4:45 ng hapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Araneta Coliseum habang ang Aces at Realtors game naman ang ikalawang sultada sa dakong alas-7:35 ng gabi. Binuksan ng Coke at SMBeer ang kanilang kampanya sa kumperensiyang ito ng PBA sa pamamagitan ng 76-65 panalo laban sa Sta. Lucia at 82-73 pamamayani laban sa Alaska ayon sa pagkakasunod noong Linggo sa PhilSports Arena.

Tanging si import Chris Burgess ang may magandang performance noong opening day sa kanyang 22-points at 22-rebounds habang wala man lamang nakapag-sumite ng double digits kina Jaja Richards ng Coca-Cola, Leon Derricks ng Alaska at Richard Jeter ng Sta. Lucia.

"It’s a good start to see your import play very well. Hes a team player," wika ni San Miguel coach Jong Uichico.

Ngunit sa likod ng 8-points at 16-rebounds ni Richards, may pagkakataon pa siyang ipakita ang kanyang lakas. "Well give him (Richards) more games before we will make any decisions (kung papalitan ito)," ani Coca-Cola interim coach Eric Altamirano na di nasiyahan sa performance ng kanyang team noong Linggo.

"We were just lucky. It’s long way off our game. We are really have to play better than that," aniya.

Ipaparada naman ng Realtors ang kanilang bagong import, kapalit ni Jeter, na si 6’10 Raheid Brown, produkto ng Florida Atlantic University na naglaro sa Argentina at Brazil League.

Bagamat may ulat na ibabalik ng Alaska si Ajani Williams kapalit ni Derricks, wala pang abiso ang Uytengsu franchise sa PBA habang sinusulat ang balitang ito. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments