Matapos bawiin ang panalo sa Game-One at pagbawalan na maglaro ang kontrobersiyal na player na si Paul Asi Taulava, ngayon naman ay ibinasura ng PBA Board ang kanilang apela sa desisyon ni Commissioner Noli Eala.
"After lengthy and ex-hausting deliberation, we found merit in the decision of the commissioner and deny the petitions of Talk N Text," pahayag ni PBA Chairman Buddy Encarnado ng Sta. Lucia. "The reversion of the first game is still enforced."
Pinaboran ng Board, unanimously, ang February 1 ruling ng PBA na I-forfeit ang 89-71 panalo ng Phone Pals sa Game-One kung saan pinalaro ng Talk N Text si Taulava kasabay ng pagbabawal sa naturang player na magpatuloy sa paglalaro sa final series laban sa Ginebra para sa Gran Matador PBA Philippine Cup.
Personal na ipinaalam ni Encarnado kay Ricky Vargas ng Talk N Text ang naging desisyon ng Board sa deliberasyon na dinaluhan ng lahat ng mga team representatives maliban sa Coca-Cola habang ang Phone Pals ay kinatawan ni Atty. Paul Gueco.
"Hes (Vargas) a gentleman and professional," ani Encarnado. "He said he understands the Boards decision."
Gayunpaman, lalong lumakas ang usap-usapang kakalas na ang Talk N Text sa liga at posibleng hindi na magpatuloy sa paglalaro sa championships bagamat nauna na nilang itinanggi ang balitang ito.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Phone Pals at Gin Kings para sa Game-Three ng best-of-seven championship series kung saan nakakalamang ang Ginebra sa 2-0. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)