Gran Matador PBA Philippine Cup: Tatapusin na ng SMBeer at Shell

Hindi na pakakawalan ng San Miguel Beer at Shell ang pagkakataon para hindi na humaba pa ang kanilang biyahe patungo sa semifinal round ng Gran Matador PBA Philippine Cup.

Kailangan lamang nilang lusutan ang hamon ng Alaska at Purefoods sa 40-minutong sagupaan sa pagpapatuloy ng quarterfinals ngayon sa Araneta Coliseum.

Unang isasalang ang Beermen at Aces sa ganap na alas-4:10 ng hapon at isusunod naman ang sagupaang Turbo Chargers at TJ Hotdogs sa alas-6:30 ng gabi.

May bentahe nang 1-0 ang Shell at San Miguel matapos magwagi sa Game-One ng kanilang magkahiwalay na best-of-three serye at isang panalo na lamang ang kanilang kailangan para samahan ang Barangay Ginebra at ang defending champion Talk N Text na naghihintay na sa semis round.

Naitakas ng Shell ang 71-69 panalo laban sa Purefoods noong Biyer-nes habang ikinamada naman ng Beermen ang 91-87 pamamayani laban sa Aces sa kabayanihan ni Danny Seigle na umiskor ng 28-puntos.

Kung magtatagumpay ang San Miguel, isang klasikong best-of-three semifinal series ang matutunghayan sa paghaharap ng sister team na Beermen at Ginebra. Ang Phone Pals naman ang naghihintay na kalaban ng Shell sa isa pang semifinal series.

Bukod kay Seigle, nakasalalay kina Nic Belasco, Dondon Hontiveros, Danny Ildefonso at Olsen Racela ang kapalaran ng San Miguel sa larong ito.

Kina Billy Mamaril, Tony dela Cruz, Kalani Ferreria, Rich Alvarez at iba pa sasandal ang Shell tungo sa kanilang tagumpay. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments