Pagbabalik-tanaw

Manigong Bagong Taon. Ngayon, lipas na ang 2004, nawa’y huwag malimutan ang mga naranasan natin sa nakaraang taon.

Hindi para pahabain ang kalungkutan, kundi para panatiliin ang ating mga natutunan. Madaling ibaon ang lungkot, subalit mas kapaki-pakinabang na anihin ang gintong aral na nilalaman nito.

Maraming mapapait na aral noong nakaraang taon, marami tayong natutunan tungkol sa sarili natin sa pamamagitan ng sports.

Pinahahalagahan ba natin ang kasaysayan, kasarinlan, kagalingan? Ano ba ang tunay na mahalaga sa atin bilang isang lahi?

Pinaalis ang mga diumano’y pekeng Fil-Am. Ano ang paninindigan natin tungkol dito? Gusto ba natin ng mga Fil-Am sa PBA? Sa ibang sport? Dapat ba silang tratuhing mas mataas sa mga lokal?

Nagretiro si Alvin Patrimonio, matapos ang halos 16 na taon ng dedikasyon. Napag-isipan na ba natin ang kahalagahan niya sa atin?

Ano ang importansya ng kanyang halimbawa sa atin? Ninanais ba nating maging katulad ng isang Alvin Patrimonio?

Ang Pilipinas ang punong-abala sa Southeast Asian Games sa taong ito. May paki-alam ba tayo rito? Tutulong ba tayo, o manonood na lang at maninisi pagkatapos?

Malaking pagkakataon ito para makapagpakitang-gilas ang Pilipinas. Subalit hindi ito magtatagumpay kung ipapa-ubaya lang natin sa Philsoc.

Noong naipakita ng Los Angeles Olympics na kayang kumita ng pera at di malugi. Ang lumigtas sa kanila ay ang 70,000 volunteers na nagtrabaho.

Sa madaling sabi, panahon na nating kumilos at gumawa ng paraan, para walang sisihan.

Show comments