Sinorpresa ng Harbour Centre-Pampanga ang Quezon Huskers, 91-86 na tuluyang kumitil sa pag-asa ng Huskers na makapasok sa finals at nagbigay naman ng magandang pamamaalam sa Capampangans sa torneong hatid ng Lactovitale at Adidas sa kooperasyon ng mga kapartner na hotel ng URBL na Castle Peak, Holiday Plaza Hotel at Mango Park Hotel.
Ang nabaligtad na pangyayaring ito ang nagbigay sa Ilocos Sur at M. Lhuillier na mag-unahan para sa No. 1 posisyon kung saan kinaila-ngang manalo ng Jewelers ng 10 puntos o higit pa para sa No. 1 spot.
Halos abot-kamay na nila ito nang agad umabante ang Jewelers ng 21 puntos sa tatlong naunang quarter, nang nagrelaks ang mga bataan ni coach Yayoy Alcoseba na sinamantala ng Snipers upang makabangon at nilimita sa anim na puntos na panalo ang Lhuillier, 74-68 para maipreserba ang No. 1 spot.
Ang Game One ng best-of-five championship series sa pagitan ng Ilocos Sur Snipers at M. Lhuillier ay pansamantalang nakatakda sa Biyernes (Disyembre 10) ganap na alas-6 ng gabi sa Santo Domingo Peoples Center.
Bago ito, maghaharap naman ang Harbour Centre-Pampanga at Quezon Huskers sa sudden-death knockout match para sa ikatlong puwesto sa ganap na alas-4 ng hapon.
Pinamunuan ni Jerome Barbosa ang Snipers sa kanyang double-double performance 20 pts. at 10 rebounds.