Mga sinaunang bida

Ang panahon nating ito ay tinawag na ‘highlight generations.’ Dala ng paglaganap ng MTV, ESPN at CNN, labis na tayong mainipin lalo na sa pagpapanood ng telebisyon. Ang gusto natin, mabilis, maraming pangyayari, hitik sa aksiyon. Kaya naman patok ang mga programang pang-telebisyon sa sports.

Saan nagsimula itong ating pagkaaliw sa pangyayaring kamangha-mangha? Ano ba ang kauna-unahang ‘highlight’ na matatawag?

Para sagutin iyan, umatras tayo ng 16,000 taon, sa isang bayan na ngayo’y kinikilalang Lascaux sa France. Tandaan natin. Wala pang sports noong araw dahil ang buong buhay ng mga kalalakihan noon ay nakatuon sa paghahanap ng mga hayop na makakain. Ang pagtakbo at pagsisibat ang tangi nilang kailangang kaalaman.

Sa isang pagkakataon, isang tropa ng mga mangangaso ay nakasalubong ang isang napakalaking buffalo. Pambihira ang laki ng animal na ito at kaya silang pakainin ng matagal na panahon. Dala ng pambihirang tapang ( o di kaya ang sukdulang katangahan), sinugod ng isa sa kanila ang hayop at nilaslas ang tiyan. Tumilapon ang mga bituka nito at kuma-adkad sa lupa.

Natural, magalit ang hayop at pinatay ang sumugat sa kanya. Subalit nagwagi ang grupo at sa kanilang pagkamangha sa nagawa ng kanilang kasamahan, isinalarawan nila ito sa pader ng isang kuweba. Nakilala itong ‘The Shaft of the Dead man,’ at isang mahalagang natagpuan ng mga archeologists.

Samantala, sa sinaunang Gresya, naging matunog ang pangalan ni Milo, isang napakalakas na lalaki. Isang araw, itinaas ni Milo ang isang buhay na toro sa kanyang mga balikat at ipinarada ito sa stadium sa Greece. Nang matapos ay pinatay niya ito at kinain. Mag-isa. Naubos niya ang buong toro sa isang araw.

Sa larangan naman ng mga taong naglabanan, nailathala ni Phidar ang paghaharap ni Theseus at ang haring si Cercyon. Si Cercyon ay isang diktador na pumapatay sa sinumang Griyego na tumapak sa kanyang kaharian. Natural, ipinapunta doon si Theseus. Dinampot ni Theseus si Cercyon sa tuhod at ibinalibag sa lupa. Patay si Cercyon, tapos ang laban.

Ganoon ang naging tema ng sports noong araw, at halos walang ipinagbago hanggang isinilang ang mga pahayagan, na siyang naging sanhi ng pagbubuklod ng mga iba-ibang sports, at pag-iisa ng sari-saring mga patakarang ginagamit noong araw.

Maaari ninyo akong sulatan sa bill velasco@hotmail.com

Show comments