Sariwa pa sa kanyang pagsungkit sa kanyang ikalawang GM norm tungo sa pagkopo sa first Alushta GM tournament, kailangan ni Paragua na makaiskor ng 12 points sa 18-player closed-tournament upang makuha ang kanyang ikatlo at final na GM results.
Pangungunahan nina Russian Grandmasters Ramil Hasangatin, Veniamen Shtrenkov at Andrey Nikitn ang lahok na kinabibilangan din nina WGMs/IMs Nino Khurtsidze ng Georgia at Olga Alexandrova ng Ukraine.
Kabilang din sa umaasam ng GM norm sa mga kasaling may rating na 2452 ay sina Russian IMs Alexander Obukhov, Jakov Geller, Igor Lysyj, Nikolay Oglobin, Roman Ovetchkin at Segey Vokarev, IMs Dimitry Tishin, Alexander Alexikov at Yuriy Kuzubov ng Ukraine at IMs Orazly Annageldyev ng Turkmenistan, Das Neelotpal ng India at Christian Pedersen ng Denmark. Ang torneo ay tatagal ng hanggang Setyembre 20.
Matapos ang kanyang tagumpay sa 1st Alushta GMT, si Paragua ay may ELO rating ng 2554, may 46 points na kakulangan para sa 2600-barrier. Wala pang Pinoy ang nagtangkang makarating sa super GM status.
Pagkatapos ng torneo dito, nakatakda ding lumahok si Paragua sa Hoogevens International tournament sa Oktubre 15-23 sa Netherlands.
Pagkatapos dideretso ito sa Kirala India para naman sa World Juniors Chess Championship sa Nov. 18 hanggang Dec. 1 bago tapusin ang kanyang kampanya sa Melbourne, Australia sa kanyang pagsali sa Australian Open sa Dec. 28 hanggang Jan. 9, 2005.