Nahuli ang Pinoy ng matinding left hook sa ilalim ng kanang tainga ng mabilis na si Doniorov at bumagsak. Dahil sa groge sa pagkakahilo unti-unting bumangon ang Pinoy habang binilangan siya ng Cuban referee. Lumasap din si Payla ng malalim na sugat sa kaliwang mata.
"I felt numb," ani Payla, na dalawang beses tinalo ang Uzbek sa kanilang dalawang beses na pagtatagpo--sa Busan Asian Games at Asian eliminations sa Palawan.
Abante ang Uzbek sa 18-10 hanggang sa 25-15 matapos ang pagbagsak ngunit nakuha pa ring gumawa ng opensa sa ikatlong round at makalapit sa 23-28 matapos bigyan ng sunod-sunod na left-right combinations.
Ngunit alam ng Uzbek na lamang siya kaya dumistansiya ito sa ikaapat na round at nagsimulang ikutan si Payla na panay ang sugod.
Sinabi naman ni dating Manila Mayor Mel Lopez, na isang dating boksingero noong kanyang kabataan, na hindi niya nakikitang mangyayari ito kay lightwelterweight Romeo Brin, na makakaharap si Manus Boonjumong ng Thailand sa kanilang second round fight sa Huwebes.
"Brin always keep his head low when he comes in, kaya mahirap makatanggap ng similar blow na umabot kay Payla," paliwanag ni Lopez.
Si Brin, three-time Olympian, at ang Thai ay maglalaban sa ganap na alas-8 ng gabi ng Huwebes (alas-3 ng madaling-araw ng Biyernes sa Manila). Nanalo si Brin sa kanyang unang laban kontra kay Patrick Bogere ng Sweden, 43-35.
Ang tanging naiiwang boksingero sa kampanya ng bansa sa Olympic gold ay si lightflyweight Harry Tanamor na nakikipaglaban kay Sherali Dostiev ng Tajikistan habang sinusulat ang balitang ito.