12 year old RP record nilunod ni Molina

Naisalba ng Fil-Am swimmer na si Miguel Molina ang kampanya ng Philippine Team sa Athens Olympics nang sirain nito ang 12-taong gulang na Philippine record kahapon.

Nagtala ang United States-based swimmer na si Molina, 20-gulang ng bagong record sa men’s 200m breast-stroke matapos magtala ng tiyempong two-minutes at 19.19 seconds sa Aquatics center dito.

Nasira ni Molina ang 2:20.37 mark ni Lee Concepcion sa isang international meet sa Spain noong 1992.

Nagtapos ito bilang ikalawa sa kanyang heat matapos mauna sa 150-meter mark at 38th overall mula sa 46-man field.

"Kinapos sa last 50-meters," ani Philippine Amateur Swimming Association secretary-general Chito Rivera. "He gave his all in the first three laps kaya naubos."

Ito ang ikatlong event para sa 5-foot-10 na si Molina sa multi-event sportsfest.

Muling sasabak si Molina sa ikaapat at huling pagkakataon sa alas-10:00 ng umaga sa 200m individual medley trials.

Mapapasabak din ang Fil-American na si Jacklyn Pangilinan sa 200m breaststroke eliminations.

Dahil dito, natabunan ang masamang performance ng isa pang Fil-Am tanker na si James Bernard Walsh kamakalawa na nagtapos bilang ika-37th mula sa 39-man field ng 200m butterfly event sa kanyang oras na 2-minutes at 6.76 se-conds.

Noong isang araw, nalagpasan din ni Pangilinan ang kanyang perso-nal best sa 100m breast-stroke sa oras na 1:12.47. Ang dati niyang marka ay 1:12.87 bagamat ang kanyang national mark ay 1:11.72.

Show comments