Eye Opener Para sa Blue Eagles

NABIGO ang Ateneo Blue Eagles na mapanatiling malinis ang kanilang record at mapantayan ang kanilang best start nang matalo sila sa UE Warriors, 64-59 noong Huwebes.

"It was bound to happen!" Iyon ang naging pananaw ng mga naka-saksi sa kabiguan ng Blue Eagles. Kasi nga’y malaking kawalan talaga sa kanila si Larry Fonacier na nagtamo ng punit sa kanyang anterior cruciate ligament at kinailangang operahan.

Biruin mong kahit na wala si Fonacier ay nagawa pa rin ng Blue Eagles na manalo sa huling tatlong laro nila upang magtala ng 7-0 record sa pagtatapos ng first round ng elims ng 67th UAAP men’s basketball tournament.

Pero kung titingnang maigi ang mga panalong iyon, makikitang nagkumahog sila at sinuwerte lang sa endgame. Nakabawi sila sa 20 puntos na abante ng Adamson at naungusan nila ang Falcons, 58-57 noong Hulyo 31. Nahirapan din sila sa National University Bulldogs bago namayani, 67-56. At laban sa nagtatanggol na kampeong FEU Tamaraws ay sumandig sila sa isang three-point shot ni LA Tenorio sa huling 24 segundo upang manalo, 67-64.

So talagang nahihirapan ang Blue Eagles. At mahihirapan pa! Mabuti na nga lang at nakapagpondo na sila ng pitong panalo. Kum-baga’y dalawang panalo na lang ang kailangan nila sa second round para makarating sa Final Four.

Kaya naman sa isang banda ay maganda na rin ang nangyaring pagkakapatid sa winning streak ng Blue Eagles. Kahit paano’y mawa-wala na ang pressure sa balikat ni coach Sandy Arespacochaga at ng kanyang mga bata. Kasi nga, habang malinis ang kanilang record ay nais nila itong panatilihing malinis. Mabigat ang pressure kapag ganoon.

Ngayong hindi na nila iintindihin ang record nilang nabahiran, puwede na silang mag-concentrate sa mga susunod na laban. Isa pa’y maganda ring eye-opener ang pagkatalo nila sa UE Warriors.

Ngayon, higit kailanman ay alam ng Blue Eagles na kailangang may humalili kay Fonacier. Wala kasing humalili sa kanya. Sa mga nagdaang games ay tumaas lang ang average nina Tenorio, JC Intal at Paolo Bugia na pawang mga starters naman. Parehas pa rin ang nakuha nilang kontribusyon sa mga tulad nina Magnum Membrere at Badjie del Rosario.

Kailangan siguro na mayroong isa sa mga reserbang manlalaro ni Arespacochaga ang pumuno sa numerong nawala dahil sa pagkaka-sideline ni Fonacier. Pinipilit itong gawin ni Chris Tiu. Pero dapat din sigurong mabigyan ng pagkakataon ang mga tulad nina Johann Uichico at Ken Joseph Barracoso.

Minsan nga’y nakausap namin si San Miguel Beer coach Joseph Uichico at natanong kung ano ang reaction niya’t hindi nabibigyan ng break ang kanyang anak na si Johann na isang sophomore sa Ateneo. Aniya, "Patience is a virtue. He has to earn his spot. Marunong namang maghintay ang bata, eh."

Pero siguro dapat ngayon ay mabigyan na ng break si Johann. Tutal wala na si Fonacier. Wala namang mawawala kung unti-unti ay gamitin ni Arespacochaga si Johann bilang paghahanda sa mas crucial na yugto ng torneo.

Show comments