ALL STAR WEEK

NAPAKASWERTE naman ng mga kababayan nating Cebuano!

Aba’y isang buong linggo nilang makakasama ang mga superstars ng Philippine Basketball Association dahil doon gaganapin ang PBA All-Star Week simula ngayon hanggang sa Linggo.

Ayon sa PBA Commissioner’s Office, hindi bababa sa 54 manlalaro ang tutulak sa Queen City of the South. Bukod dito ay maraming team officials, kawani ng PBA Commissioner’s Office, miyembro ng Board of Governors at media men ang kasama nila sa Cebu City. Lampas sa 130 katao ang delegasyon ng PBA sa All-Star Week.

Kumbaga’y parang inilipat na yata sa Cebu City ang tanggapan ng PBA, eh. Malaking gastos yun, ‘di po ba?

Pero okay lang sa PBA na gumastos dahil nga sa nais nilang ilapit sa mga fans ang mga laro at ang mga manlalaro. Yung mga kababayan nating taga-Cebu kasi ay nakukuntento na lang na manood ng games sa telebisyon at bihirang makita nila in person ang mga iniidolo.

Sa tutoo lang, ang Cebu ay isang hotbed para sa basketball dito sa ating bansa. Napakaraming mga Cebuanos ang naglaro sa PBA. Sa formative years ng PBA ay nandiyan ang mga Cebuano na sina Manny Paner at Yoyong Martirez na naglaro sa San Miguel Beer. Ang dalawang ito’y maituturing na haligi na ng professional league.

Hindi nga ba’t si Paner ang kauna-unahang center ng Mythical team ng PBA. Sa height na 6’3, mas matindi ang kanyang pagkuha ng bola kaysa sa mas matatangkad na kalaban. Katunayan, si Paner ang siyang unang highest-paid player ng liga. Kasi nga dati’y hindi kumukuha ng import ang Beermen at si Paner na lang ang lumalaban sa mga Kanong dayuhan.

Maraming mga Cebuano o Visayan players ang sumunod sa yapak nina Paner at Martirez

Siguradong sa darating na All-Star Game sa Agosto 15 ay sina Junthy Valenzuela at Dondon Hontiveros ang siyang titilian nang husto ng mga Cebuanos. Tagaroon sila, e.

Si Hontiveros ay dating star player ng Cebu Gems sa defunct na Metropolitan Basketball Association kung saan siya ang kauna-unahang Discovery of the Year awardee ng torneo. Si Valenzuela ay produkto ng Salazar Institute of Technology. Sayang nga, e. Kundi nasuspindi si Jimwell Torion ay malamang na miyembro din siya ng South Team.

Siyempre, ang South team ang ituturing na mayroong homecourt advantage. Bukod kina Hontiveros at Valenzuela, kabilang sa South Team na hahawakan ni Joel Banal sina Eric Menk, Asi Taulava, Jimmy Alapag, James Yap, Kenneth Duremdes, Joachim Thoss, Ronald Tubid, John Ferriols, Jun Limpot at Dale Singson.

Ang North na hahawakan naman ni coach Yeng Guiao sina Vergel Meneses, Romel Adducul, Olsen Racela, Paul Artadi, Rich Alvarez, Willie Miller, Mark Caguioa, Enrico Villanueva, Rudy Hatfield, Davonn Harp, Ali Peek at Tony dela Cruz.

Bago ang All-Star Game, iba’t ibang side events gaya ng three-point shootout, slam-dunk at obstacle competitions ang matutung-hayan ng mga Cebuanos. Magsasagawa din ang PBA ng iba’t ibang community activities tulad ng pagbisita sa mga ampunan at ospital, campus tours, coastal cleanup, anti-drug campaign at fund raising parties. Mayroon ding junior basketball at wheelchair basketball clinics. Idagdag pa dito ang mga exhibition games na kinatatampukan ng mga dating PBA players at mga miyembro ng RP wheelchair basket-ball team.

Nakakainggit talaga ang mga Cebuanos!

Show comments