Umiskor ng dramatikong come-from-behind na panalo si Alex Pagulayan, 17-13 upang hiyain ang hometown bet na si Pei Wei Chang sa punum-punong World Trade Center sa Taiwan noong Linggo ng gabi.
Ang 26 anyos na tubong Isabela, na kumakatawan sa Canada ay nag-pakita ng determinasyon nang ang isang muntik nang kabiguan ay maiangat niya makaraang mabaon sa 4-10.
Nakita ni Pagulayan, na pinagpapalit-palitan ang kanyang break upang magulo ang kalabang Taiwanese, ang isang galaw na maaaring nagpabagsak kay Chang nang tatlong racks lamang ang naisubi nito habang winalis ni Pagulayan ang natitira hanggang 13 na nagpatahimik sa manonood.
Matapos mapagwagian ni Pagulayan ang opening rack bagamat natalo sa lag, nagmintis si Chang sa manipis na tira sa 7-ball, at sinandigan ng Taiwanese ang foul ng Fil-Canadian upang kunin ang apat na racks sa likod ng solidong break.
At tulad ng kanyang pangako, dumating kahapon si Pagulayan kasama ang pool patron na si Aristeo Puyat para ipagdiwang ang kanyang tagumpay kasama ang kanyang mga kababayan sa Isabela.
Masaya itong sinalubong sa airport ng mga airport personnel na kanyang pinasalamatan dahil sa suportang ibinigay sa kanya lalong lalo na kay Puyat.
Pagkatapos ng laban, agad nilapitan si Pagulayan ng kanyang matalik na kaibi-gan na si 2002 World Pool champion Mika Immonen upang batiin.
Bukod sa titulo at medalya, naibulsa din ni Pagulayan ang halagang $75,000 premyo na ayon sa kanya ang ilan ay pambayad sa utang at ang iba naman ay magsasaya siya buong gabi na kanyang ginawa bago sumakay ng eroplano patungo sa Manila. Inamin din niya na may pusta din siya para sa sarili kontra kay Stan James ng Britain, ang pamosong bookmaker kung saan nanalo ang Pinoy ng $25,00 para ipanalo ang sarili.