All Star South Team binitiwan ni Tanquincen

Tumanggi muna si Bethune ‘Siot’ Tanquingcen, ang coach ng nagkampeong Barangay Ginebra sa katatapos na Gran Matador PBA Fiesta Conference na igiya ang South Team sa PBA All-Star Week na nakatakda sa Cebu sa Agosto 9-16.

At ito ay dahil sa pag-ibig.

Ang soft-spoken na si Tanquingcen ay makikipag-isang dibdib sa matagal na niyang girlfriend na si Rica Tenedora sa isang Christian wedding sa hindi binanggit na lugar sa Mandaluyong sa Agosto 7. At pagkatapos ng kasal, bibiyahe ang mag-asawa patungo sa Maldives para sa kanilang honeymoon.

Papalit kay Tanquingcen bilang coach ng South Team ay si Joel Banal ng Talk N Text para makalaban si Joseller ‘Yeng’ Guiao na siya namang gigiya sa North squad.

Sina Tanquingcen at Tenedora ay magkaklase sa University of Santo Tomas kung saan nagtapos si Tanquingcen ng Accounting course. Sa katunayan, isa siyang certified public accountant at nagtrabaho sa isang accounting firm bago sumapi sa PBA draft noong 1996. (Ulat ni ACZaldivar)

Show comments