Kinuha ni Lobaton, ang beteranong runner mula sa Philippine Army ang kanyang ikatlong sunod na regional title samantala umiskor naman ng upset si Apuhin, na ngayon lamang sumali sa 21 k race, nang unahan niya ang paboritong si Marigen Campos.
Mabagal ang panimula ng 25 anyos na si Lobaton ngunit pagsapit ng 6k mark ay unti-unting bumilis ito upang unahan ang maagang liders na sina Renie Desuyo at Eric Panique ng Bacolod City.
Nabigo na sina Panique at Desuyo, na makuha pa ang pangunguna kay Lobaton, na tinapos ang karera sa loob ng isang oras, 10 minutes at 45 seconds. Si Panique ang pumangalawa,1:11:07, habang ikatlo naman si Desuyo 1:13:16.
Ang tatlo ay aabante sa Grand national Finals ng taunang event na ito na ginaganap sa pakikipagtulungan ng Adidas, Bayview Park Hotel Manila, Globe Handyphone, Cebu Pacific at Department of Tourism, na nakatakda sa November 14 sa Metro Manila.
Sa kababaihan, sinorpresa naman ng 20 na trackster mula sa West Negros College sa Bacolod na si Apuhin, si Campos para mapagwagian ang karera sa bilis na 1:39:02.
"First time kong tumakbo ng 21-k at nanalo pa ako," tuwang-tuwang pahayag ni Apuhin bago tinanggap ang champions trophy, bagong Globe Handyphone at P10,000 cash prize.
Tinapos ni Campos ang karera na pangalawa sa tiyempong 1:43:43 at ikatlo naman si Genevieve dela Peña (1:44:17).
Pinagharian naman nina Feliciano Inasa Jr. at Hanny Delfin ang 5-k fun run at ang 3-k kiddies age-group event ay dinomina nina Jacob Alvarez at Angela Valdez sa 6-9 age category habang sina Rodnel Tejada at Jonalyn Plaza ang sa 10-12 group.