Umiskor ng sorpresa si Corteza nang silatin nito si Ching Shung Yang, 5-2 na nagpatahimik sa maiingay na Taiwanese fans.
Ang Philippines at Taiwan--ang dalawang pangunahing Asian su-perpower sa pool-- ang pinapaboran na maglalaban para sa pangunahing premyong $75,000 sa pinakaprestihiyosong event sa daigdig.
Nagparamdam naman ang top seed na si Francisco Django Busta-mante ng kanyang presensiya.
Isang pinagsamang magandang break at matatalas na tira sa kabuuan ng laban ang nagpabagsak sa isa pang hometown hotshot na si Pei Wei Chang 5-0, upang makaganti sa kanyang kabiguan sa San Miguel Asian 9-Ball Tour.
Nadagdagan sana ang kaligayahan ng mga Pinoy fans nang mula sa pakikipagkarera sa 3-1 abante, gumawa ng kamalian si Ramil Gallego at nawala sa posisyon ang tinirang 6-ball na nagbigay daan kay Thorsten Hohmann para limasin ang laro at makabangon tungo sa 5-3 panalo.
Si Hohmann na ang kumpiyansa ay napalakas sa pagpapatuloy ng race-to-five match na gamit ang alternate breaks, ay nilaro ang isang mahabang jump shot sa one-ball na nakawala kay Gallego.
Hindi sinasadyang ginamit ni Hohmann ang kanyang regular cue, na nagpatalon sa cue ball tungo sa rail ngunit nalaglag sa butas na nagbigay daan kay Hohmann na maidepensa ang kanyang korona.
Gayunpaman, muling naibalik ang kumpiyansa ng mga Pinoy nang gapiin naman ni Rodolfo Boy Samson Luat, na nakapasok sa Group 9 makaraang pumasa sa qualifying tournaments, si Mike Davis ng US, 5-2.
Pinayuko naman ng batang 2000 Asian snooker champion na si Marlon Manalo si Timothy Hall 5-1, bago sinundan ito ng 5-4 panalo ni Antonio Nikoy Lining na pumasok rin sa main draw sa pamamagitan ng qualifying kay Al Logan ng Canada, 5-4.
Ang iba pang big winners sa opening day, kung saan ang top four players sa bawat grupo ay papasok tungo sa knockout round ng 64, ay sina American ace Johnny Archer na namayani kay Ryu Seun Woo ng South Korea, 5-2,habang ang two-time World Pool Champion na si Earl The Pearl Strickland ay ginapi si Patrick Ooi ng Malaysia, 5-1.