Malaking kabalintunaan din ang Boracay. Sa isang panig, ito ang puntahan (at tirahan) ng maraming mahilig sa aqua sports. Mula sa snorkeling, parasailing, swimming, diving, tirathlong, mountain biking, at iba pang sports na mapagkakasya sa maliit na islang ito, lahat ay puwedeng pasukin.
Pero, sa kabilang dako, kaharian din ito ng mga bar kung saan walang-sawa ang inuman at kainan. Paraiso ng yamang-dagat, na umanoy nabuti para sa kalusugan, subalit nilalamon ng labis ng mga dumarayo rito.
Sa paglapag pa lamang, mararamdaman ng grupo na di hamak na mas mabagal ang takbo ng buhay rito. Naaaliw ang namumuno ng grupo, si Teddy Perena ng TEAM Ads, dahil parang biglang nagpreno ang lahat. Una, umulan sa pagdating namin. Pangalawa, nakatikim ng toneladang isda, pusit at tahong ang mga bata. Pangatlo, dahil sa lamig, napasarap humilata ang grupo. Sa ikalawang araw, umandar na ang adrenalin, nang kumain, makasakay sa banana boat, kumain muli, nag-jogging at swimming, at kumain muli. Matapos ang lahat, sumunod naman ang pag-ikot sa Boracay sa isang bangka, na sunundan uli ng kainan.
Para sa inyong lingkod, matagal bago ko naramdamang bakasyon nga ito.
Nasanay yung katawan ko sa trapik at pagmamadali sa siyudad. At nagulat ako sa layo ng nalalakad ko na hindi ko iniinda ang pagod. Ano ba ang mayroon dito?
Subalit unti-unti nang inaanod ng komersyalismo ang lugar na ito. Sa buong kahabaan ng isla, nagtataasan na ang ilang gusali. May maliit nang mall. At maraming pamilyar na tanawin dito. Kulang na lamang magkaroon ng mga multinational fastfood restaurants dito. At dahan-dahan ding nagtataasan ang mga presyo ng bilihin.
Kasabay nito ang pataas ng pataas na hirap na hinaharap natin sa paghanap ng player para sa mga pambansang koponan, pati na ang youth team. Sa susunod na ABC Youth championships sa Setyembre 10-18 sa India, nangangamba ang coaching staff sa pamu-muno ni coach Johnny Tam, dahil hindi pakakawalan ng mga koponan sa NCAA at UAAP ang kanilang mga RP Youth team players, kahit na hindi nila ginagamit ang mga ito. Masasagasaan ng ABC Youth ang playoffs ng dalawang torneo. Maghahanap tayo ngayon ng bagong manlalaro. Sayang naman na young mga naghirap na player ay hindi makakatapak sa India. Kahit na itong simpleng tatlong araw na bakasyon ay di nila lahat nalasap, dahil sa higpit ng pagsasanay.
Mahirap talaga ang dalawa ang amo. Pero, hindi ba, dapat mauna ang bansa?